MABUTI NAMAN at anak ni NCRPO Chief Gen. Leo Espina ang tiyempong naging biktima ng hulidaper na si SPO4 Jose dela Peña. Nakasisiguro tayo ngayon na ang anak ni Espina ang kahuli-hulihan nang biktima ni Dela Peña dahil tiyak na ang kanyang pagkakasibak sa serbisyo.
Bago sa tangka niyang panghuhulidap sa anak ni Espina noong Martes ng gabi, si Dela Peña ay may nakabinbin nang pitong kasong administratibo – dalawa rito ay robbery-extortion – ngunit patuloy pa rin ang pamamayagpag ng kanyang kawalanghiyaan.
Lumilitaw ngayon na blessing in disguise para sa mga motorista na paboritong kotongan ni Dela Peña ang pagkakahulidap sa anak ng bagong NCRPO chief.
Kasi kung isang ordinaryong tao lamang si Espina, siguradong natikman ng kanyang anak na makaladkad sa presinto at napilitan siyang sumugod doon bitbit ang halaga na katumbas ng kalayaan nito, at tuluy-tuloy pa rin ang ligaya ni Dela Peña.
Madalas na mangyari ito sa mga pangkaraniwang mamamayan na biktima ng robbery-extortion ng mga tiwaling pulis. Sa ilang pagkakataon pa nga, kapag walang maibigay na pera ang biktima, idinidiretso nila ito sa piskalya para ipa-inquest sa kaibigan nilang piskal.
Ginagawa ito ng mga beteranong hulidaper para mahirap na silang mabalikan dahil lilitaw na lehitimo ang kanilang ginawang paghuli sa biktima.
Si Espina ang karma ni Dela Peña.
IN FAIRNESS kay Gen. Espina, noon pa man, malaki na ang galit niya sa mga tiwaling pulis. Katunayan, mabilis umaksyon si Espina sa mga inilalapit ng programa kong WANTED SA RADYO sa kanya hinggil sa mga sumbong laban sa mga abusado niyang tauhan.
Bagama’t seryoso ang ginagawang kampanya ni Espina kontra sa mga kotongerong pulis simula pa nang siya’y maging isang opisyal ng PNP, ngayon mas lalo pa niyang gawing puspusan ang kampanya niyang ito sapagkat nakikita niyang lumalala na ang problema ng kawalan ng disiplina sa kapulisan.
‘Di tulad noon, nasa tamang posisyon ngayon si Espina para gumawa ng mga programa at reporma sa kapulisan sa Metro Manila – kung saan nakatambak ang maraming bilang ng mga abusadong pulis, upang makapagbigay ng nararapat na permanenteng solusyon kontra sa mga abusadong miyembro ng PNP.
PARA PANDAGDAG kaalaman lamang kay Gen. Espina, dito sa Kamaynilaan, kung dati ay mga pumaparang holdaper na nagpapanggap na pasahero ang tanging kinakatakutan ng mga taxi driver, ngayon kasama na sa kanilang kinakatakutan ay mga pulis na pumapara sa kanila upang sila ay hulidapin.
Kung dati ay ikinatutuwa ng mga motorista ang mga police checkpoint dahil pangontra ito sa mga gumagala-galang masasamang loob, ngayon kinamumuhian na ito dahil marami sa mga nagmamando rito ay mismong mga masasamang loob. Ang ilan sa mga checkpoint na ito ay nagagamit ng mga tiwaling pulis bilang kanilang venue sa pangongotong.
Kung dati ay ikinapapanatag ng kalooban ng mga motorista ang makakita ng mga mobile patrol car na nakaistambay malapit sa mga stoplight dahil nagsisilbi itong police visibility, ngayon ay kinakatakutan na ito dahil hindi naman talaga kriminal ang kanilang mga binabantayan kundi ang mga motorista na makagawa ng traffic violation para makotongan.
Kung dati ay tanging mga armadong akyat-bahay gang ang kinakatakutan ng mga mamamayan na sisimot ng kanilang pera at mahahalagang kagamitan sa loob ng kanilang mga kabahayan, ngayon kasama na sa kanilang kinakatakutan ay ang mga armadong nakasibilyan na pulis na papasok sa kanilang bahay at nagdideklara ng raid hindi para maghanap ng mga kontrabando, kundi para maghanap ng pera at mahahalagang bagay na puwede nilang masamsam.
Shooting Range
Raffy Tulfo