BUKOD sa dami ng nagtitiliang fans, social media followers, blockbuster movies, at top-rating shows, batayan din sa kasikatan ng celebrities ang dami ng kanilang TV commercials at product endorsements.
Kahit nga gaano kamahal ang kanilang talent fees, kakagatin at kakagatin sila ng ad agencies para mag-endorso ng produkto o serbisyo.
Sa kaso ng dalawang sikat na love team, kapansin-pansin ang paramihan nila ng product endorsements at TV commercials. Pero lumalabas pa ring mas sikat ang Love Team A, kaysa sa Love Team B.
Ayon sa tsika, mas maraming nakukuhang product endorsements at TV commercials ang Love Team A, kumpara sa Love Team B. Mas tinatangkilik daw kasi ng ad agencies ang serbisyo ng Love Team A kahit na sobrang mahal ng talent fee nito.
Samantala, kapansin-pansin naman ang pagdami ng bagong endorements at commercials ng Love Team B. Humahabol na nga ito sa dami ng endorsements at commercials ng Love Team A. At puwede ngang sabihin ng fans ng Love Team B na nakikipagpukpukan na ito sa kasikatan ng Love Team A.
Ang hindi alam ng fans, kahit pumantay na ang Love Team B sa dami ng endorsements at commercials ng Love Team A, milya-milya pa rin pala ang agwat ng kanilang kasikatan kung talent fee ang pag-uusapan.
Sabi sa tsika, kaya raw pala dumarami ang endorsements at commercials ng Love Team B, ‘di hamak daw kasi na mas mababa ang talent fee nito kumpara sa Love Team A. Strategy raw pala ng management ng Love Team B na “bagsak-presyo” ang kanilang talents para makakuha ng mas maraming endorsements at commercials, at para na rin hindi mawala sa sirkulasyon.
Mas mabilis kasing lumalaylay ang kasikatan ng celebrities kapag hindi na sila gaanong napagkikita sa mga billboard at TV commercials. Nalalaos na, ‘ika nga.
So, ibig sabihin, hindi rin pala ganu’n kasikat ang Love Team B kahit pa sabihing laman sila lagi ng commercial sa TV. Kasi kung talagang sikat sila, hindi nila kailangang magbaba ng presyo, gaya ng nangyayari sa Love Team A, ‘di ba?
By Parazzi Boy