Pumasok sa Kongreso para magtrabaho o pumasok sa Kongreso para mag-negosyo, ito ang paglalarawang pinamimilian ng mga miron para i-describe ang bida nating Kong.
Sa huntahan ng mga tambay ng Kongreso, tila kapansin-pansin raw ang pagkaabala ni Solon. ‘Yun nga lang, hindi sa paggawa ng batas kundi sa kung anik-anik na raket na pwede niyang pagkakitaan.
Sa kuwento ng ating Chikadorang Miron, tiba-tiba raw si Solon lalo na kung may okasyon sa Kongreso. Raket kasi nito ang paggandahin ang bulwagan para naman maging pleasing sa mata ng mga bisita.
Bukod rito, maximized din to the nth level ang kanyang koneksyon. Dahil kung may okasyong ang mga kakilala, kontrata kung kontrata ang kanyang moda. Dahil nga kakilala siya at may pakiramdam na kailangan nilang makisama, napapa-oo naman ang mga kasamahan niya. ‘Yun nga lang, sa halip na makamura, tila mahal pa raw ang nasisingil sa kanila.
At kung matumal naman ang raket niya, nakakahanap pa rin siya ng raket sa pamamagitan ng paghahanap ng raket para sa mga negosyante raw na gusto ring kumita.
Okey naman sanang rumaket sa Kongreso. Pero ibang usapan na raw na kung gaano siya kaaktibo sa raket nito, eh, siya namang pagkatahimik nito kung oras na ng trabaho sa Kongreso. Dagdag pa, kung debate na sa Kamara, aba, eh, parang hindi makabasag-pinggan ang kanyang moda. May ganun?!!
Naman Kong, baka hanggang Central Luzon, eh, habulin kayo ng paru-paro niyan….