NAKAAAWA NAMAN ANG isang guwapong aktor, hinusgahan siya nang walang kalaban-laban. Naging paksa siya ng katatawanan habang pinipintasan nu’ng minsan ng mga tagahangang nagpa-litrato sa tabi niya.
Ganito ang kuwento. Halos maghapon at magdamagan ang taping ng aktor para sa isang teleserye. Natural, sa pagitan ng take, namamahinga muna siya. Kundi man ineensayo-kinakabisa niya ang mga linyang bibitiwan niya sa kanyang pagsalang uli, kumakain siya.
May nagbigay ng junk food sa guwapong young actor, cheese flavor ang regalo ng kanyang mga tagahanga. Bilang pagpapahalaga, kinain niya naman ‘yun habang hindi pa siya sumasalang sa eksena.
Natural, cheese flavor ang junk food, nu’ng matapos kumain ang young actor ay uminom siya ng softdrinks, pero nakalimutan niyang magmumog at manalamin.
Sabi ng aming kausap, “Nakaligtaan niyang isipin na dahil cheese flavor nga ang kinain niya, maraming tinga-tingang sumingit sa mga ngipin niya, nanilaw pa ang teeth niya dahil sa food coloring.
“Tiyempo namang may mga fans na lumapit sa kanya para magpa-picture-taking at magpa-autograph. Kinausap niya ang mga tagahanga, nakipagbiruan pa siya.
“Nu’ng tumalikod na ‘yung mga fans, tawanan sila nang tawanan, halatadong ‘yung young actor ang pinagtatawanan nila. May isang nagsabi na hindi raw yata marunong mag-toothbrush si ____ (pangalan ng tisoy at guwapong batang aktor) dahil naninilaw nga ang teeth niya.
“Basta, pinagtawanan siya, pinintasan, nilait-lait, dapat daw siyang turuan ng tamang hygiene ng girlfriend niyang young actress,” kuwento ng aming source.
Nakaalis na ang mga fans, sino pa ang pagpapaliwanagan niya na tatlong beses siyang magsepilyo sa maghapon? Hindi na niya naipaliwanag na kaya naninilaw ang mga ngipin niya ay dahil sa junk food na kinain niya bago dumating ang mga fans.
Ang mga artista pa naman, wala talaga silang malulugaran. Para silang mga isda sa aquarium na sinisipat ng publiko. Gaano man sila kaayos, siguradong may mamimintas pa rin sa kanila.
“Ang mali lang niya, humarap siya sa mga fans nang hindi man lang nanalamin. Nagtinga man lang muna sana siya, alam niya naman na kumain siya ng junk food.
“Napakalinis ng teeth ng taong ‘yun, palagi siyang nagtu-toothbrush, kaya mali ang sinasabi ng grupong ‘yun na naninilaw ang teeth niya dahil hindi siya nagsesepilyo!” Madiin pang sabi ng aming impormante.
MATUNOG NA ANG ikot ng balita na tuloy na tuloy na ang pagtakbo ni Chairman Edu Manzano sa pagka-senador sa darating na eleksiyon. Sa pinakahuling survey na lumabas, nasa pang-anim siya. Nilampasan niya nang milya-milya ang mga dati nang nakaupo, samantalang wala pa naman siyang sinasabi na kakandidato siya.
Mabangong-mabango naman kasi ang pangalan ngayon ng host ng Game KNB?. Mataas ang rating ng kanyang game show, maganda ang serbisyong ibinibigay niya bilang OMB chairman, kaya hindi nakapagtataka kung mapasama man ang kanyang pangalan sa top ten sa survey.
May karanasan na sa serbisyo-publiko ang aktor-TV host, nakapaglingkod na siya bilang vice-mayor ng Makati noon. Hindi siya maaaring husgahan ng kahit sino na kaguwapuhan at popularidad lang ang bibitbitin niya sa halalan.
Naghihintay ang marami ngayon sa kanyang sasabihin. Matagal pa ang eleksiyon, pero kung mapapansin, marami nang pulitiko ang nagpaparamdam ngayon tungkol sa hangarin nilang kumandidato.
Malaki ang pag-asang makalusot si Chairman Edu sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso. Alam niya ang kanyang ginagawa, nag-aaral siya ng leksiyon, hindi na bago sa kanya ang mga umiiral na batas dahil palabasa siya.
Edu Manzano for senator na nga ba ang isisigaw natin ngayon?
Cristy Per Minute
by Cristy Fermin