PSSST! PULITIKA, Showbiz, Sport, Scandal, Tsika! Tamang-tamang taguri ngayon sa isang talunang Manny Pacquiao. Bilib na ako sa galing ng analisis ng aking bff na si Xixi Maturan na matatalo nga si Manny sa isang KO, at nangyari nga sa ikatlo at ikaanim na round.
Hindi na umabot si Manny sa takdang 12-round fight kay Juan Mauel Marquez, pero ang iba nating mga kababayan ay ipinagbubunyi pa rin ang pagkatalo ni Manny na hindi ko maintindihan. Tulad na rin ng kanyang ina, nagsabi si Mommy Dionisia na ayaw nang magpatawag na mommy, kailangan daw ay donya na, na ayon sa kanya, wala na raw suot na rosaryo at hindi na nag-antanda kaya natalo at sinisisi ang pagpalit ng relihiyon ni Manny.
Nagtataka lang ako, bakit ang nanay ni Manny hindi man lang napupuna ng mga ususero? Bakit ‘pag iba ang nagsabi, galit sila at kung anu-ano ang maririnig mong pangbubuska. Ito ay napatunayan ko last Sunday sa aking program sa DZRH.TV.
Bago ako mag-komentaryo, naloka ako sa isang taxi driver, wala kasi akong driver kaya nag taxi kami ng anak ko si Lady Camille at Ivy Batulajar kasama namin ang aming general manager na si Betchay papuntang DZRH. Napaaga kami dahil may imbitasyon si Sylvia, ang may-ari ng Minex Crystal ng lunch. Habang nasa taxi kami, naka-tune in ang radio sa laban ni Manny at Marquez.
Nagbiro lang ako na, “Hay naku, Ivy, matatalo si Manny, kasi pakinggan mo ang kumamanta ng bayang magiliw, ang bagal. Sigurado ko, gano’n din ang bagal ngayon ni Manny.”
Ayun react to death ang driver ng taxi at nanggagalaiting sinabi na, “Kayo para kayong hindi Pilipino. Ano ang kinalaman ni Manny sa bagal ng kanta sa laban niya ngayon.”
Ayun nagkatinginan kami ni Ivy, sabay sabi ko ng “sorry” para hindi na humaba ang usapan.
Kaya nu’ng oras na ng program ko, oras naman ng laban ni Manny. Dinig na dinig ko ang sigawan at biglang sinabi ng technician na bagsak daw si Manny sa 3rd round. Ayun nakabawi sa sumunod na round si Manny at pagdating ng 6th round, mga 5 seconds na lang, ayon bagsak, pataob si Manny at tuluyan nang natulog.
Kaya siguro galit na galit sa amin ‘yung taxi driver na sinakyan namin, sa pagkatalo ni Manny. Sa bagay, kung ako ang tatanungin, tama namang matalo si Manny para malaman niya na hindi lang siya ang anak ng Diyos. Tulad din ng ispekulasyon ngayon sa pagkatalo ni Manny, maraming nagsasabi na talagang humina na si Manny kaya na-knock out ni Marquez.
May ilan namang sinisisi ang pagbabagong buhay ni Manny, sa pagiging sobrang maka-Diyos ngayon. Kasi nga naman, last Friday, habang abalang-abala ang kanyang kalaban na si Marquez sa pag-eensayo, si Manny naman ay abala sa kanyang prayer meeting. ‘Di ba kahit ang Diyos, ayon sa kanya, nasa tao ang gawa nasa Diyos ang awa?
Kung isaisip ito ni Manny, dapat hindi niya pinabayaan ang pag-eensayo, bagkus tinutukan niya ito. Kahit nga si Donya Dionisia, sinisisi ang pag papalit ni Manny ng relihiyon. Kapansin-pansin kasi na kahit ‘yung dati niyang ginagawa na mag-sign of the cross, at nagdadasal sa gilid ng ring bago ang laban, ‘di na niya ginagawa at wala na rin itong suot na rosaryo na nakaugalian na nito noong sagrado Katoliko pa siya.
Ayon sa kanyang ina, sobra ang sakit ng nararamdaman niya sa pagkatalo at pagbagsak ni Manny, kaya kung siya raw ang tatanungin, tama na gusto na niyang magpahinga at tumigil na sa pagbo-boksing si Manny. Kahit na si Bob Arum ay sinabihan niya na, “Ang anak ko, hindi hayop, tao siya.” Kaya kung maaari ay patigilin na si Manny sa pakikipaglaban sa loob ng ring, at kailangan mag focus na lang si manny sa isang bagay na dapat niyang pag-ukulan ng pansin tulad ng pagiging congressman niya na hindi na niya naasikaso at isa siya sa top ten absentee. O kung relihiyon naman, doon na lang siya ka kanyang pinaniniwalaan para marami ang mga kababayan natin ang kanyang matulungan.
Kasi kung magiging baldado siya dahil sa boksing, wala na talaga siyang silbi. Ang mahalaga, buhay at normal pa rin ang isang manny pacman at hindi siya napuruhan ni Marquez. Pero kahit papaano, kahanga-hanga pa rin ang ang naging pahayag ni Manny sa kanyang pagkatalo, ang pagiging overconfident niya ang nakikita niyang dahilan kaya siya napatulog ni Marquez. Kasi akala niya, kayang-kaya na niya ito dahil duguan na ang mukha ni Marquez. Kahit talunan na siya, tinanggap niya nang maluwag ang kanyang pagkatalo.
Kaya kahit nagluluksa ang karamihan sa ating mga kababayan sa pagkatalo ni Manny, nagbubunyi pa rin ang karamihan dahil sa puso nila, isang kampeon pa rin si Manny. Say mo? ‘Yan ang Pinoy, win or lose, Pinoy pa rin!
Ooola Chika
E-mail: [email protected]
by Tita Swarding