Personal naming nasaksihan ang pagpapasinaya sa pinakabagong daanan sa Cavite na mas lalo pang magpapagaan sa buhay ng mga Kabitenyo sa larangan ng trapiko, ang Molino Boulevard. Kasabay ng ika-338 na anibersaryo ng bayan ng Bacoor, pormal na binuksan ng bayan ang Bakood Festival celebration na tatakbo ng isang buwan. “Dati kasi, isang linggo lang namin sine-celebrate ang Bakood Festival, pero ngayon, isang buwan ang pagdiriwang, at buong buwan ng Setyembre” pahayag ni Mayor Strike Revilla. Panauhing pangdangal si Senator Bong Revilla na nakausap namin nang personal at nakakuwentuhan ng ilang sandali.
Masayang kinuwento sa amin ni Senator ang magandang kondisyon ng kanyang ama ngayon. “Okay naman siya at libangan niya ngayon ang kanyang mga apo sa bahay,” ani Bong. Tuwing Sabado nga raw ay excited na excited ang kanyang ama sa pagpapalabas ng Agimat na hindi niya pinalalampas. “Actually, nagpapasalamat ako sa ABS-CBN sa tribute na ibinigay nila sa aking ama, ang pagpapalabas ng Agimat na hindi talaga niya pinalalampas tuwing Sabado. Nakikita kong pinapanood niya ang Agimat at medyo maluha-luha pa nga siya, at alam kong masayang-masaya siya,” pahayag ng senador. Napanood din nya ang trailer ng Tiyagong Akyat at ang naging akting doon ni Gerald. “Oo, napanood ko nga ‘yung trailer nu’n, yung bago sila magsimula at okay ha. Magaling si Gerald. Maganda ang pag-arte niya.” Pero inaabangan niya nang husto ang Pepeng Agimat kung saan ang kanyang anak na si Jolo Revilla ang gaganap na bida. “Actually, sa December pa yata lalabas ‘yung kay Jolo, pero excited na ako na makita kung ano ang gagawin niya.”
Hindi naman kinumpirma ni Senator Bong kung matutuloy ang kanyang magiging cameo role sa isa sa mga episodes ng Agimat, bilang hiling na rin ng mga press people at mga fans. “Abangan na lang natin kung ano ang mga mangyayari.”
Busy ngayon sa senado si Senator Bong Revilla, pero sa nalalapit na eleksyon, napabalitang nag-resign na daw si Edu Manzano bilang OMB chairman bilang paghahanda sa 2010. Madalas kasing mapabalita na ‘di magkasundo at madalas magbangayan ang dalawa tungkol sa isyu ng piracy. Anong masasabi ni Bong dito? “Nirerespeto ko naman ang desisyon ni Edu.” Pero ang tanong, ano kaya ang magiging eksena kung magkasama na sila sa trabaho?
MASAYA NAMANG IBINALITA ni Lani na maganda ang kondisyon ng kanilang apo ngayon na si Gab na nagpapagaling pa rin sa sakit nito. “Okay naman siya. Nagpapagaling pa rin,” nakangiting sagot ni Lani na nakaramadam na atang magtatanong na kami tungkol kay Osang kaya nagsimula na silang maglakad ni Senator Bong papunta sa pagpapasinaya ng kalsada sa Molino.