NAIRAOS NG PMPC ang taunang pamamahagi nila ng Star Awards for TV na nasa ika-23 taon na.
Ginanap ang naturang awards night sa Pagcor Theater nu’ng kamakalawa ng gabi at gabi nga ‘yun ng ABS-CBN 2 na nagwaging Best TV Station.
Ramdam na ramdam mo nang wagi ang karamihan ng programa ng ABS CBN 2 dahil present ang mga stars nila lalo na’t binigyan ng parangal na Ading Fernando Lifetime Achievement Award si Mr. Johnny Manahan, kaya naman nag-abala ang mga alaga nito sa Star Magic na magbigay ng kanilang production number na napapanood mo rin naman sa ASAP.
Ang surprise winner nu’ng gabing ‘yun ay si Joross Gamboa na nagwaging Best Single Performance by an Actor sa magaling nitong pagganap sa Bisikleta episode ng Maalaala mo Kaya. Ganu’ndin si Gretchen Baretto na ka-tie si Sunshine Dizon sa Best Single Performance by an Actress. Napanalunan ito ni Greta sa Salamin episode ng Maalaala Mo Kaya at si Sunshine naman ay sa Butch episode sa Obra ng GMA-7.
Lalong na-inspire daw si Gretchen na ipagpatuloy ang kanyang pag-aartista dahil tuloy pa rin daw ang soap na gagawin niya sa ABS-CBN 2 kahit hindi na sila natuloy ni Claudine Baretto.
Ibang-iba na raw siya ngayon dahil nagiging madasalin na raw siya. Madalas na raw ang pagsisimba niya sa Baclaran at pagdarasal ng rosaryo, at talagang ipinagdasal daw niya nang husto na makuha niya ang naturang award sa Star Awards for TV.
All-out naman ang suporta ni Lani Mercado at Jolo Revilla kay Sen. Bong Revilla na nanalong Best Educational Program Host sa Kap’s Amazing Stories. Pagkatapos tanggapin ni Sen. Bong ang kanyang award, umalis na silang mag-anak at hindi na sila nakapag-present ng award.
Ang duda tuloy ng karamihan baka umiwas na silang makipagtsikahan kay Gretchen.
Kailangan daw nilang umalis agad dahil kailangan si Lani sa isang event sa Bacoor.
Nanginginig naman ang kamay ni Janice de Belen nang tanggapin ang tropeo nito bilang Best Celebrity Talk Show Host sa programa niyang Spoon.
Sa mahigit 50 awards na ipinamahagi ng PMPC, 28 ang napunta sa ABS-CBN 2, 17 ang sa GMA-7, lima sa QTV 11, apat sa TV5 at tig-iisa sa UNTV at Net 25.
Congratulations sa lahat ng nagwagi at sa PMPC, dahil napatunayan pa rin nitong ang kanilang award-giving body pa rin ang pinaka-star-studded at talagang inabangan ng karamihan.
By Gorgy’s Park