SINABI NI Bong Revilla, para silang kriminal samantalang sila ang nangangailangan ng tulong sa mga kinauukulan laban sa mga taong nagha-harass daw sa kanilang pamilya, leaders at supporters.
May natatanggap daw silang death threat at tinapunan pa raw ng spikes ang kanilang bahay sa Imus, Cavite na kung saan gustong pasukin ng mga pulis, pero wala namang maibigay na search warrant.
“Handa kaming mamatay,” deklara ni Senator Bong.
Although wala naman silang sinabi kung sino ang may gawa ng harassment, alam naman nila kung sino ang kanilang mga kalaban.
Nakatanggap ng report kasi si Bong na may vote buying na nagaganap sa Bacoor, Cavite na kandidato sa nasabing bayan ang misis na si incumbent Congresswoman Lani Mercado at kapatid na si Mayor Strike Revilla. Lumalaban din sa pagka-bise-gobernador ang anak na si Jolo Revilla na sure winner na dahil sa laki ng agwat ng boto nito laban sa anak ni Sen. Ping Lacson.
Habang nagtititipa kami ng column ay malinaw pa sa sikat ng araw ang pagkapanalo muli ni Cong. Lani Mercado at iba pang kadugo ni Sen. Bong.
Dalangin ng mga nagmamahal sa pamilya Revilla na huwag sanang dumanak ng dugo sa Cavite dahil lang sa pagiging gahaman sa posisyon ng ilang kandidato.
As of now, dagsa pa rin ang mga tao sa labas ng tahanan ni Bong bilang suporta sa actor at pamilya nito.
IKINALUNGKOT NI Gladys Reyes ang pag-aaway ng pamilya Barretto. Matagal na raw kasing kilala ni Gladys si Claudine Barretto. Bata pa lang ay magkaibigan na sila kaya hindi masakyan ni Gladys kung bakit ang sarili pa raw nitong mga kapatid ang siyang maglalabas ng kung anong tsismis tungkol sa kanila.
“Nasa Mara Clara pa lang ako at si Claudine ay nasa Ang TV pa lang ay magkakilala na kami. Sa isang dressing room lang kami noon sa ABS-CBN 2. Tapos, ilang beses ko na ring nakatrabaho si Claudine sa mga TV show.
“Nakalulungkot, imbes kasi na dapat pinoprotektahan nila ang isa’t isa, sila pa ang nagsisiraan. Pamilya sila, eh. Kahit na may mali ang isa, still, hindi ‘yun dahilan para magkaroon ng malaking gulo. Hindi sa nakikialam ako, lahat naman tayo may mga problema sa kahit na sinong family member. Pero hindi tama para sa akin na ibubuko natin ‘yan sa buong mundo. Personal na bagay ‘yan, kaya sana magkaroon na ng peace sa pamilya nila,” pahayag ni Gladys.
Nakatrabaho pa ni Gladys ang mister ni Claudine na si Raymart Santiago sa Home Sweet Home na balitang may sarili nang condo na inuuwian.
“Hindi ko naman matanong si Raymart tungkol kay Claudine. Baka sabihin niya na tsismosa ako, ‘di ba? Saka ngayon ko pa lang nakakagaanan ng loob si Raymart. First time ko kasi siyang makakatrabaho, not like Claudine na matagal ko nang kilala.
“Bilib ako kay Raymart, kasi kaya niyang dalhin ang sitwasyon. Dumarating siya sa taping namin na maaga at ready to work parati. Despite of all the talks, professional pa rin siya. Pero umiiwas talaga siya na pag-usapan ang tungkol nga sa nangyayari. Tama lang dahil ayaw niya sigurong makadagdag pa sa anumang nangyayari sa pamilya ni Claudine,” pahayag ni Gladys.
Oh. C’mon!
By Gerry Ocampo