AYAN! DALAWA na ang pinaghahandaan kong dalawin sa Camp Crame. Nu’ng kamakalawa lang sumuko si Sen. Jinggoy Estrada sa Sandiganbayan at si Sen. Bong Revilla pa nga raw ang sumalubong sa kanya du’n.
Ewan ko lang, ha? Hindi ko alam kung nagkataon lang o signos talaga, pero parang hindi yata talaga maganda ang numero 13 kina Jinggoy.
‘Di ba pang-13 president si Panguong Erap pero nakulong naman siya. Pagkatapos napalaya sila ng 2001. Kaya lang, after 13 years, nabalik na uli si Jinggoy sa kulungan sa ganu’n pa ring kaso. Tapos pumutok itong iskandalong ito nu’ng nakaraang taon na 2013.
Sinasabi naman talaga ni Jinggoy noon na hindi talaga maganda ang numero 13 sa kanila kaya iniiwasan na nila ito.
Pero mabuti na ring silang dalawa doon sa loob para kahit papa’no, medyo napapagaan ang pakiramdam nila.
Kuwento nga raw ng mga nakasama sa paghatid kay Jinggoy sa Crame, parang ang saya naman daw du’n ni Bong.
Siya na nga raw ang sumalubong du’n kay Jinggoy at ginulat pa raw niya ito. Nabigla na lang daw si Jinggoy nang biglang lumitaw daw sa likod niya si Bong.
Saka nililinaw pala nina Lani Mercado na hindi nagrereklamo si Bong ng mga ipis at daga du’n sa Crame.
Nabanggit lang niyang may mga napatay daw siyang mga ipis du’n, at mga itinaboy na daga, pero hindi siya nagrereklamo.
Naparating lang naman niya ‘yun sa mga nagtatanong. Sabi nga ni Lani, may mga reporters na nagtatanong sa kanya kung totoong may mga ipis at daga, at sinabi naman niyang totoo. Pero hindi ibig sabihin nagrereklamo siya. Ginagawang biro na nga lang daw ni Bong na sinasabi niyang nilinis na raw niya ang selda niya. Nilipat na raw niya ang mga ipis sa selda ni Jinggoy, dahil alam niyang takot na takot ito sa ipis.
Sa totoo lang, parang at peace na raw si Bong nu’ng pagpasok niya sa Camp Crame dahil matagal na niya itong napaghandaan.
Saka nililinaw ni Lani na talagang sumusunod sila sa order. Talagang sinusunod nila ang patakaran na Huwebes at Linggo lang sila dumadalaw.
Nu’ng nakaraang Sabado lang sila pinayagan na pumunta dahil marami pa raw silang inayos sa kuwarto ni Bong.
Kaya umiiwas na rin daw silang magpa-interview dahil nahahanapan lang sila ng butas para meron lang matira sa kanila.
Sa totoo lang, basta meron lang kasi sila masabi, kaya naghahanap lang talaga ng puwede nilang matira kina Bong at Jinggoy.
Pero nag-iingat ang pamilya ni Bong at talagang sumusunod sila sa patakaran para wala silang masabi.
Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis