KAPAG SUMMER special, naiisip natin ay sa beach resort, tama po, dahil hindi basta beach ang pinuntahan nilang location ng taping kundi isla, at ‘yun ay sa Caramoan Island lang naman, na nasa Camarines Sur sa Bicol Region. Ito rin ‘yung isla, kung saan minsang ginawa ang orihinal na Survivor USA.
First time na napuntahan ng tropang Bubble Gang ang lugar, kaya’t sobrang excited sila. Napakaraming pakulo ang ginawa ng grupo, kumpletos rekados pa rin. Nandu’n ang paborito ng mga may edad na, ang ADD o Ang Dating Doon, nina Direk Cesar Cosme (Brod Willy), Isko Salvador (Brod Pete), at Chito Francisco (Brod Jocel).
Hindi mawawala ang segment na mga pakuwela ni Michael V. aka Bitoy, ang Tata Lino, ang ermitanyo with the whole casts. Ang Mr. Assimo; Istambay sa Looban with Sef Cadayona, Antonio Aquitania, and Moymoy Palaboy; Ikaw at ang Ina with Sef Cadayona; T3 Nyo with Paolo Contis, and Jan Manual. Ilan lamang ito sa mga segment ni Bitoy.
Ang iba pang mga segments na hindi pinagsasawaan ay ang kanilang Gags na laging may bagong pakwela, lalo na ang kanilang mga commercial spoof. Nandiyan din ang Laitera ni Charice Solomon at mga nagseksihang kababaihan na tinaguriang Bubble Shakers sa kanilang sexy dance na sina Max Collins, Andrea Torres, Sam Pinto, at Arny Ross.
Pasok na pasok din ang patok na Atlit (at least) ni Diego Llorico, ang isa sa mga mastermind sa pakulo ng programa. At ang pagkakalat naman ng kanyang katarayan, si Antonietta na role ni Betong Sumaya.
Dahil mahaba pa ang summer, maraming reserbang ginawang pakuwela sa isla ang grupo na pawang mga bago sa panlasa ng mga tagasubaybay ng programa dahil nakatatlong taping days sila roon. Hindi mawawala ang mga pangunahing bida ng sitcom na sina Rufa Mae Quinto (original cast), Boy 2 Quizon, Gwen Zamora, Jackie Rice, Mikael Daez, Maika, at ang iba pang mga bagong recruit na tinaguriang Bagong Gang na sina Jan Manual, RJ Padilla, Juancho Trivino, at Denise Barbacena.
Halos kada buwan ay may bagong pakulo ang programa na mapapanood tuwing Biyernes ng gabi. Sa direksiyon pa rin ng ‘di mapantayang director ng mga sitcom na si Uro dela Cruz.
Ayon kay Direk Uro, pinagbuti nilang makagawa ng marami at mga sorpresa at naiibang segments. Ngayon naman ay para sa Lenten season ang kanilang puspusang ginagawa. Paano pa kaya kung anibersaryo na ulit nila. Ngayong taon, sa darating na Oktubre ang ika-20 taon ng Bubble Gang, siguradong mas bongga ang gagawin nila. Subaybayan na lang natin…
Ni Maria Luz Candaba