SIMULA NANG magwagi ng labindalawang karangalan sa iba’t ibang kategorya sa nakaraang Metro Manila Film Festival ang kanyang entry bilang producer, ang pelikulang 10,000 Hours na pinagbidahan nina Robin Padilla, Bela Padilla and Carla Humphries, nagsimula na ang pagiging masiglahin at inspirado sa trabaho ni Boy 2 Quizon.
Laging aligaga ngayon ang binata sa kanyang mga binabalak pang gawin kung ano ang uunahin dahil sa dami. Una muna raw niyang pagtutuunan ay ang maisaayos ang mga ito. Katunayan ay ang madalas nilang pagmimiting ng kanyang mga kagrupo.
Wari ay may “hang-over” pa ng kaligayahan si Dos dahil ‘di pa naaalis sa isip ang gabing iyon ng parangal. Hindi raw talaga niya inaasahan ang mga kaganapang iyon. Wala na nga raw siyang balak na dumalo noon, kundi nga lamang sa kundisyon ng MMDA Chaiman Francis Tolentino na pagmumultahin ang hindi dadalo.
Naglibot daw siya sa mga sinehan noong Kapaskuhan na siyang unang araw ng pagpapalabas ng mga MMFF movies. Aminado siya na talagang ‘di gaanong pinilahan ang kanyang pelikula kumpara sa ibang movie lalo na ‘yung temang pambata. Kalaunan ay natuwa pa rin siya dahil kumita pa rin ang movie. Nakatulong umano ang pagkapanalo nito ng maraming awards upang maengganyo ang mga manonood.
By Luz Candaba