NGAYON PALANG, EXCITED na ang publiko na mapanood ang bagong bihis na Bandila dahil makakasama na nina Julius Babao, Karen Davila at Ces Drilon si Boy Abunda. Hindi natuloy ang original plan dahil kailangang matapos muna ang Guns and Roses nina Robin Padilla at Bea Alonzo bago umere ang Bandila ng 11PM.
Sa pagpasok ni Kuya Boy sa Bandila mawawala na sa ere ang SNN, dahil magsasanib-puwersa ang news program at showbiz news. Sinasabing baksak raw sa rating ang SNN kaya tinigbak na ang nasabing entertainment news. Pinabulaanan naman ng King of Talkshow ang balita. Mas mataas raw ang rating ng SNN kaysa Bandila kaya sa pagpasok niya sa news program, may bitbit siyang tagasubaybay sa apat na sulok ng Pilipinas maging sa ibang bansa.
Mas malaman, hitik sa balita at maintriga ngayon ang Bandila sa pagpasok ni Kuya Boy on October 3, Monday. Malamang na hahataw agad sa ratings ang nasabing news program. Ayon sa TV host/manager, paraan daw ito ng network kaysa pumasok sila ng alas-dose o ala-una ng madaling-araw, kaya dapat daw na tanggapin natin na ang primetime ay narrative drama.
Napag-alaman namin na si Kuya Boy mismo ang nagsabi kay Ms. Cory Vidanes (ABS-CBN Channel Head) na tactical move kapag nag-merge ang SNN at Bandila dahil ‘soft news’ ang beat ng TV host at hindi hard news. Sa kanya mismo nanggaling ang idea na magsanib-puwersa ang Bandila at SNN.
Ipinaliwanag din ni Kuya Boy kung papaano ang magiging eksena nila nina Julius, Karen at Ces. Mag-o-open si Julius, meron ding sariling headline si Karen, ganoon din si Ces at si Kuya Boy. Ikinuwento rin ng batikang TV host/manager na meron siyang one-on-one interview. Sa totoo lang, first time itong ginawa ng kahit anong network na magsanib-puwersa ang entertainement news at ang hard news. “I’m proud to say na I am a part of that merger,” masayang sabi ng King of Talkshow.
Nilinaw rin ni Kuya Boy na pantay-pantay sila rito. Siya ang magbubukas at magsasara kasama sina Julius, Karen at Ces. “Kung may meron silang mga linyang sasabihin, meron din ako. Hindi ako patatalo at hindi rin ito paghahanda para sa pulitika. Magpapaka-honest ako, this is a new concept and I am excited. And hopefully this will strengthen the equity of the show,” turan niya.
Siyempre, hindi maiiwasang mapag-usapan ang talent fee ni Kuya Boy. Production pa rin pala ang nagpapasuweldo sa kanya. Sa ngayon, bakasyong grande ang TV host, ibubuhos muna niya ang panahon at oras sa kanyang loving Nanay Lesing. “I want to give the best to Nanay, lahat ng ikasisiya niya, gusto kong ibigay lahat,” say niya.
Kumplikado pala ang kalagayan ni Nanay Lesing hindi dahil sa sakit nito. May nadiskubre ang doktor kung bakit nakatagilid ang butihing ina ni Kuya Boy, may imbalance sa katawan. Ipapasok muna niya sa hospital for a series of test para malaman kung kakayanin ng matandang ilabas siya ng Pilipinas para dalhin ni Kuya Boy sa Singapore. Advice kasi ng doctor na kailangan din niya ng mga bagong lugar na bago sa kanyang paningin para makaipon ng bagong memory. Dasal namin ang mabilis na paggaling ni Nanay Lesing.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield