Isa sa mga dahilan kung bakit marami ang kumukumbinsi noon kay Boy Abunda na pumasok sa larangan ng pulitika ay dahil sa likas niyang ugali ng sobrang pakikisama. Kapag may suwerteng dumarating sa buhay at career ng magaling na TV host ay hindi siya maramot. Sa katunayan, napakarami ng kuwento ng pasasalamat sa showbiz na iniuukol sa host ng “Tonight With Boy Abunda” ng ABS-CBN dahil sa dami ng mga taong natulungan niya, maging iyon ay mga artistang dumanas ng lihim na sobrang paghihirap ay dinadamayan niya.
Sa hanay ng mga manunulat sa showbiz ay napakaraming nagmamahal kay Kuya Boy Abunda, dahil may mga alagad na kaibigan ang TV host na mga manunulat din para alamin ang kung sinong mga manunulat ang magdiriwang ng kaarawan at may regalo siyang bagay man o pera, sino ang may sakit at kung anu-ano pang sa abot ng kanyang makakaya ay madamayan din. Kami nga kamakailan ay sobra ang naging pasasalamat kay Kuya Boy, dahil naging Angel ko na naman siya, huh!
Buwan ng February ay nagpa-repair ako ng isang malaking parte ng bahay ko. Napasubo siyempre sa gastusan. Aksidenteng nagkasugat pala ako sa paa. Namaga iyon, at pagkalipas ng ilang araw na pamamaga ay naramdaman kong hindi ako okey. Sumugod na agad ako sa doktor ko sa Mercado Hospital sa Tanauan, Batangas. Kasi, may history ako na nagkasugat din ako dati at at na-tetano ako at na-ICU sa Philippine General Hospital, 14 years ago. Ang mga sintomas na magkakaroon ulit ako ng panganib na ma-tetano ay naramdaman ko na. Nagpa-ready na ang doktor ng amount na gagastusin ko sa operasyon, pero para maingatan muna ang sugat sa panganib ay niresetahan ako ng pagkamamahal na gamot. Eh, naubusan nga ako ng pera sa pagpapa-repair ng house ko.
Katatapos ko lang mag-birthday nu’ng January 6, kaya nagpasabi ako sa mga kaibigan ni Kuya Boy na sina Jimi Escala at Roland Lerum na nag-birthday ako. After two days ay dumating na ang cash na birthday gift ni Kuya Boy para sa akin. Ibinili ko lahat iyon ng gamot na kailangan. Awa ng Diyos, gumaling ang sugat ko pagkalipas ng mahigit isang buwan ng pamamaga. Hindi na natuloy ang operasyon. Mga ganitong kabutihan ni Kuya Boy ang napakaraming natutulungan sa mga kasamahan nating manunulat sa showbiz. Kaya maraming salamat talaga sa kanya.
ChorBA!
by Melchor Bautista