TINUTUTUKAN NG SAMBAYANAN ang programa ni Kuya Boy Abunda tuwing Sabado ng gabi, ang The Bottomline – dahil sari-saring personalidad, na karaniwan nga eh, kontrobersiyal ang nauupo sa masasabing ‘hot seat’ para mausisa sa mga tanong na karamihan eh, hindi pa diretsahang naitatanong sa kanila.
Noong Sabado ng gabi, interesante ang guest ni Kuya Boy sa kanyang programa in the person of Illac Diaz. Kaya lang, medyo nanibago ang ilang mga taong tutok sa panonood nito dahil ang naging dating sa kanila eh, hindi pa natatapos sumagot ang subject, may kasunod na agad na tanong daw na inihahain kaagad si Kuya Boy.
Pinasyalan namin sa The Buzz si Kuya Boy at isa ito sa mga inusisa namin sa kanya.
“You should understand that it is an edited show. May mga portions kagabi (Saturday) na parang hindi natatapos. I would admit, nag-e-experiment din ako sa manner ng pagtatanong ko sa aking subject. Kaya, parang sunud-sunod. It was a style I was experimenting on my interviews.”
At sa mga hindi pa nakaaalam, natapos na ni Kuya Boy ang kurso niyang International Relations and Public Diplomacy – pero wala pa naman daw sa hinagap niya na pasukin ang pulitika, kaya ngayon nga, kaugnay sa ginagawa niyang pag-eeksperimento sa kanyang mga interviews, kumukuha naman siya ngayon ng Masteral in Communications.
Tinumbok namin ang tanong kay Kuya Boy na may kinalaman naman sa programang SNN (Showbiz News Ngayon) na babalikan na ni Kris Aquino this week, sa isyu ng pagtapat ng Juicy ng TV5 hosted by Cristy Fermin with Alex Gonzaga, IC Mendoza and Mo Twister.
“I am deliberately being quiet about it, ‘yung sa amin ni Cristinelli. And time and again, I have always said, pagdating sa mga tapatan ng mga shows, we’ve already matured in this business. Hindi ba? Ang mga ganitong bagay is something good for the industry. This is borrowed time, we are on borrowed time, hindi tayo lang ang mga anak ng Diyos. Ang maganda, more people have jobs. And our audiences have choices sa gusto nilang panoorin.”
SAMANTALA, WALA NAMAN daw kaso sa host na si Cristy Fermin kung mas madalas na niyang makakasama si Mo Twister sa Juicy, hanggang sa Paparazzi.
Wala naman daw nag-sorry sa kanila sa mga pinagdaanan nilang isyu na nauwi pa nga sa palitan ng mga sagutan sa ere.
Basta nu’ng pictorial daw nila para sa nasabing mga programa, nagkatitigan lang sila at nagyakap. Wala nang pinag-usapan pa.
Sabi naman ni Tita Cristy, magkaiba naman ang magiging atake ng dalawang programang maghe-head on sa time-slot gabi-gabi. Dahil mas daw sila sa mga opinyon sa mga isasalang nilang mga balita. At kasama pa niya ang kung ituring niya eh, mga ‘apo’ na niyang sina IC at Alex.
“Ang management ang nagdesisyon nito at kami naman eh, mga talent lang. Malamang na nanghihinayang sila na sa hapon ito napapanood. Dahil kung sa gabi nga naman eh, mas marami ang audience share na aming makukuha. Kahit pa siguro kung inilagay ito sa 12 midnight slot, kahit pa madaling-araw kung ito ang gusto ng management eh, susunod lang naman kami.”
Puwede bang kumustahin kung humupa na ang galit o tampo niya sa mga hosts ng makakatapat nilang programa?
“Kumain na ba kayo, mga anak?”
Mukha ngang malabo pa.
Kapirot na naikuwento ni Tita Cristy na nasa Macau that time si Willie Revillame kasama ang mga kaibigang kinabibilangan ni Governor Chavit Singson. Masama pa nga raw ang loob nito.
Binigyan naman daw niya ng pieces of advice si Willie sa mga sinalangan nitong pangyayari recently. At isa lang ang nasabi niya sa nasabing host na humamon sa kanyang istasyon:
“You don’t challenge the station. Although sa isang banda nga, ang sakit ng loob niya eh, may kinalaman sa eleksiyon at ang ikalawa nga eh, ang madaliang pag-init ng ulo niya, dahil nga kahit nasa gitna siya ng pagtatrabaho niya eh, sige nang sige ng kababalita o kabubulong ng mga hindi magagandang balita sa kanya ang nasa paligid niya. Pagod siya, mainit ang ulo, nasususugan pa. May mga panahon talagang sadyang si Willie, hindi kayang hawakan ang kanyang emosyon. Pati na ang kanyang ego.”
‘Yun na!
The Pillar
by Pilar Mateo