SA SHOWBIZ, KAMBAL na matatawag ang personalidad at talent. At ang laging nasa gitna ng kambal na ‘yan ay ang kredibilidad. At ‘yan ang matatag na pinanghahawakan ni Boy Abunda. Mababaw ang showbiz sa pananaw ng nakararami – tsimis, intriga, kontrobersiya – ano nga ba ang mapupulot na aral sa mga ‘yan? Pero nagkakaroon ng kakaibang kulay at lalim ang mga ‘yan kapag si Boy na ang tumatalakay.
‘Modern-day media’ icon at respetado sa larangan ng journalism, hindi naman overnight na nailuklok sa kinalalagyan niya si Boy. ‘Ika nga, ‘blood, sweat and tears’ ang ipinuhunan niya para marating ang estado niya ngayon. Isama pa riyan ang determinasyon.
Paano nga ba siya naging ‘Kuya Boy’ ng showbiz?
Maagang naulila sa ama si Boy na tubong-Borongan, Eastern Samar. Sa murang edad naranasan na niya agad kung paano lumaban sa pagsubok ng buhay. Natigil ang kanyang pag-aaral dahil kailangan niya munang suportahan ang kanyang pamilya. Hanggang sa makapagtrabaho siya bilang assistant stage manager sa Metropolitan Theater. Dito nakilala ni Boy si Conching Sunico, ang administrator ng teatro. Tinuruan siya nito ng public relations. At makalipas ang dalawang taon, itinayo na ni Boy ang Backroom, Inc. Naging PR consultant siya ng GMA TV network. Inalok si Boy ng TV hosting, kaya naging isa siya sa hosts ng showbiz talk show na Startalk. Pero bago pa ‘yan, nasa team na ng Probe si Boy.
Taong 1999 nang lumipat si Boy sa ABS-CBN, ang kalabang network ng GMA-7. Sa istasyong ito nabigyan siya ng mga shows tulad ng Private Conversations, Kontrobersyal, Boy & Kris, Homeboy, ang hanggang ngayon na umeere pa rin na The Buzz at ang weeknights showbiz update na SNN: Showbiz News Ngayon. Mahaba na rin ang listahan ng talents na nasa pangangalaga ni Boy.
Sa kabila ng hectic niyang schedule, nakapagtapos si Boy ng college sa Ateneo de Manila University, at kamakailan, ng Master’s Degree naman sa Philippine Women’s University.
Hindi rin nakaligtas sa kontrobersiya ang tinaguriang ‘King of Talk.’ Sino ba naman ang makalilimot sa infamous words ni Dra. Vicki Belo na, “If you want to look like Piolo Pascual or Dingdong Dantes you should go to Belo. And if you want to look like Boy Abunda, you should go to Calayan.” On national TV, ipinakita ni Boy na nasaktan siya sa tinuran na ‘yon ng kaibigan niyang cosmetic surgeon. At katulad nang nabanggit sa umpisa, ang pahayag ni Boy sa sinabi ni Dr. Belo, sa simula pa lang ng kanyang showbiz career ay hindi siya namuhunan sa panlabas na kagandahan.
On a happier note, 24 years na ang relasyon nila ni Bong Quintana.
by Erik Borromeo
Click to enlarge.