HINDI NAMIN ALAM kung may matindi bang legitimacy ang isang cosmetic surgeon sa industriyang ginagalawan namin para makapag-acquire sila ng high profile celebrity status. Sa amin kasing paniniwala, mas napapabilang pa sa ranggo ang mga make-up artist na nagke-create ng look ng mga artista depende sa kung ano ang hinihingi ng characters nila for a movie role.
Sorry na lang, pero naglipana kasi ang mga negosyanteng kumakapital sa vanity. At sa industriyang ito na pinaaandar ang salapi, ang mga gaya nila ay nakabubuo ng sarili nilang makinarya.
Isang halimbawa na rito ay si Dra. Vicki Belo. Okey na sana na nag-e-exist siya dahil siguro, marami rin siyang natutulungan para gumanda, knowing how vain and superficial some people can be in this business.
Sige na nga, mapapatawad na ‘yung nariyan sila. Pero, gusto naming tapikin ang gaya ni Vicki, lalo na sa hindi magandang tabas ng kanyang dila.
Between her and Boy Abunda, sa industriyang ito, mas buo ang kredibilidad ng huli, at mas papanigan namin si Kuya Boy.
Unang-una, ano’ng karapatan niya para magsalita ng isang mabigat na opinyon na: “Kung gusto ninyong maging kamukha ni Boy Abunda, you should go to (Manny) Calayan. And if you would want to look like Piolo Pascual or Dingdong Dantes, you should go to Belo.”
Bakit? Ganoon ba kaganda si Vicki Belo. Beauty is in the eye of the beholder, sabi nga. But, sorry, since nagbigay siya ng harsh opinion, ‘yun din ang opinyon namin tungkol sa kanya.
Ni hindi namin kilala nang personal si Pie Calayan, pero sa personal, sa palagay namin, mas malinis tingnan ang ganda nito kung ikukumpara kay Vicki.
Ayaw naming magsulat ng ganitong klaseng opinyon, pero mukhang sumosobra naman yata ang bilib sa sarili nitong ilusyunadang si Vicki Belo.
May kasalanan din kasi ang media riyan, eh. Pinapatulan nila ang ilusyon ng ganitong karikatura sa showbiz. Kaya hayan, may pagkakataong tayo mismong nasa industriya ang paglalaruan ng gaya niyang si Vicki Belo.
Naawa kami kay Kuya Boy nang buong-giting at kababaang-loob niyang sinagot ang ganitong pasaring ni Dra. Vicki sa kanya. And that was after na magpaunlak siya ng interview sa SNN (Showbiz News Ngayon) at nang mainterbyu na siya ng Showbiz Central, iba na ang ihip ng hangin.
Sa isang ordinaryong tagamasid, mas pipiliin na namin ang maging kamukha ni Boy Abunda. Ang pagkatao ni Kuya Boy ay hindi nasusukat sa panlabas na anyo lamang niya. At hindi na niya kailangang idiin ‘yun para makita ang nagdudumulat na punto.
Pipiliin na namin ang isang gaya ni Kuya Boy, na higit sa vanity, napatunayang kaya niyang makaangat sa iba dahil sa iba pa niyang likas na katangian na hindi bunga lamang ng siyensya.
Si Kuya Boy, unlike Vicki Belo, ay may relasyong nagtatagal. Mas kahanga-hanga ang tatag ng relasyon nila ni Bong Quintana kung ikukumpara sa kung sinumang karelasyong pinagdaanan ni Vicki Belo na siya rin naman ang naghahantad sa publiko.
Naturingang babae si Vicki, pero bakit kaya iniiwan siya ng mga lalaking kinakasama niya? It’s not being judgmental, pero ibinabalik lang namin sa kanya ang panghuhusgang ginawa niya kay Kuya Boy sa punto ng mababaw niyang batayan.
D’yan pa lang, kitang-kita na ang inilalakong kagandahan ng isang Vicki Belo ay hungkag kung pagbabasehan ang kaayusan ng sarili niyang buhay at pagkatao.
Sa mundong ito na ang konsepto ng ganda ay iniaayon sa panlabas na kaanyuan, dito nagmumula ang marurupok na pagkataong kulang sa character at dalisay na puso.
Mabuti sana kung nagsasalita si Kuya Boy ng hindi maganda laban kay Vicki. Kahit pa lumipat si Kuya Boy sa pagkandili ng mga Calayan, prerogative niya ‘yun, at kung pinahahalagahan ni Vicki Belo ang pinagsamahang namagitan sa kanila, hindi dapat sa pansariling interests lamang matatapos ‘yun.
Kino-conclude tuloy namin na kailanman, ang kakayahang makipagkaibigan at rumispeto ng kapwa ni Vicki Belo ay nag-uumpisa at natatapos kung nagagamit lang niya ang isang tao.
Shame on you, Vicki. If vanity really kills, it’s your shallow character, that is a reflection of your personal belief, which is a clear casualty.
Calm Ever
Archie de Calma