NAGPAKATOTOO LANG si Kuya Boy Abunda sa interview sa kanya ni Karen Davila sa The Bottomline sa pag-aming bading siya at siyempre, bahagi ng pagmamahalan nila ng isang lalaki ay ang pagse-sex, hayan at kung maka-judge naman ang ibang netizens ay parang isa nang kasumpa-sumpang nilalang sa mundo si Kuya Boy.
Isinisigaw raw ni Kuya Boy na siya’y isang Katoliko, pero hindi naman daw nito pinapraktis ang itinuturo ng Bibliya. At karamihan sa kanila’y nagsasabing, “walang ipinanganak ang Diyos, kungdi lalaki at babae lamang. At lalaki at babae lang ang dapat na magtalik kapag sila’y kasal na.”
Hahaba lang ang usapan ‘pag nakipagdebate pa tayo rito. Hindi rin magkakaintindihan, lalo na’t may mga taong naglilinis-linisan na ewan kung lahat ng sinasabi sa Bibliya ay kanilang pina-practice. Nakalimutan nilang tao lang sila, nagkakamali. At kung mali sa kanila ang pagkakaroon ng bading o tomboy, lalo na ang pakikipagrelasyon sa same sex, eh makikipag-argue pa ba tayo?
Opinyon nila ‘yon. Kung paanong may opinyon din si Kuya Boy. Saka lang naman nagiging mali ang opinyon ng isang tao ‘pag inamin niyang mali ang nasabi niya.
Pero gusto ko lang sabihin sa mga walang-bahid dungis na kung maka-comment, wagas, eh kadalasang nangyayari na ‘yung bading o tomboy ang hindi nang-iiwan sa mga parents habang ‘yung ibang tunay na lalaki at babaeng kapatid ng bading ay nangagsipag-asawa na.
Me anak o kaanak ba kayong gano’n? If so, nabago po ba ang tingin n’yo sa LGBT community?
Oh My G!
by Ogie Diaz