AMINADO ang King of Talk na si Boy Abunda na sobrang nami-miss na talaga niya ang hosting at mag-interbyu ng mga celebrities. Inamin niya ito sa amin sa kauna-unahang face to face presscon niya after the pandemic para sa Sendwave international remittance app na siya ang endorser.
Nasa punto din daw siya ngayon na pinag-iisipan kung lilipat siya ng TV network o mananatili pa rin bilang Kapamilya.
“That’s not an easy decision. As I talk now, hindi talaga madali,” ani Kuya Boy.
“Di ako nagsisinungaling sa pagsabi kong di ko pa alam. May mga kausap na ako pero wala pa akong pinipirmahan,” patuloy niya.
Pero anuman daw ang mangyari ay sisiguraduhin niya na maayos siyang makikipag-usap sa ABS-CBN at hindi siya magsusunog ng tulay if in case na lumipat talaga siya ng istasyon.
“Ang maganda, I will make sure that I will not burn bridges kung matuloy ako sakali kung TV5 o [GMA] 7. I will make sure makikipag-usap ako nang matino,” paliwanag niya.
“I value relationships. That’s what makes the whole process difficult. I will always say na nag-umpisa ako sa Channel 7 kung saan ako natutong lumakad. Sa ABS-CBN, lumipad ako. At sa dami ng tumulong I did not do this alone. Ang hirap talaga dahil ang dami kong relasyong pinapangalagaan,” giit pa niya.
“I’ve been doing hosting for so long. Malapit na akong malaos, for the lack of a better word. All of us go.
“If there’s one immutable law in showbiz, it is nothing lasts forever. So I’m at that stage where I want to go back to television. I want to be able to do what I can do best,” pahayag niya.