Marahil kung hindi nagkasakit si Kuya Boy Abunda nu’ng nakaraang taon, baka roon siya mas nakapag-isip na magdesisyon kung papasok na rin ba talaga siya sa larangan ng pulitika o hindi. Marami na kasing kumukumbinsi sa kanya noon na kailangan niya ring mapunta sa isang posisyon para mas lalo siyang makatulong sa mga tao. Malakas kasi ang kanyang impluwensiya sa masa, lalo na sa mga kabataan na sumasaludo sa kanyang istilo bilang celebrity na laging may puso at katuwiran.
Maraming nagmamahal kay Kuya Boy Abunda sa showbiz, dahil siya ang tipo ng showbiz personality na naging matagumpay, pero lagi siyang bukas-palad na tumulong sa mga kasamahan sa industriya na nangangailangan. Katulad na lamang ng mga hindi nasusulat na pagtulong niya sa maraming artista na naghirap at nagkasakit. Wala siyang hinihintay na kapalit, dahil para sa kanya ay isang malaking kagalakan na niya ang makatulong siya sa kanyang kapwa.
Mapagmahal si Kuya Boy sa katahimikan, kaya iniisip din niya kung bakit parang ang gulu-gulo ng pulitika sa Pilipinas. Pero sa mga pang-eengganyo sa kanya na pumalaot sa larangan ng pulitika, mas higit na napag-isip ng host ng “Abunda Tonight” ng ABS-CBN na napakahalaga ng kalusugan sa lahat ng pagkakataon. Sa ngayon, kahit wala naman si Abunda sa pulitika ay marami siyang natutulungan, kaya hintayin na lang natin sa mga darating na panahon kung magbabago pa ang kanyang desisyon at maakit din siyang maging pulitiko.
ChorBA!
by Melchor Bautista