PAGKATAPOS NG 16 years na pagsasaere sa TV ng The Buzz na napapanood every Sunday afternoon, nagdesisyon na ang management ng ABS-CBN na mamaalam na ito sa ere. Ang isa sa host ng talk show na si Boy Abunda ang nagpaliwanag kung bakit pansamantalang mawawala sa ere ang The Buzz.
Ang paliwanag at detalye ni Kuya Boy na halatang pigil ang pag-iyak nang magpaalam sila last Sunday: “Hindi po ako magkukunwari na okey ako. Hindi po ako mangkukunwari na hindi ako nasasaktan. Hindi ako magkukunwari that I’m not hurting. I’m not bleeding inside, because I am.”
Pero ang desisyon raw na mawala muna pansamantala ang The Buzz ay isang desisyon na kailangan at tama. Ang pagbabago ng mga tao, ng panahon, at mundo ang ibinigay na dahilan ni Kuya Boy kung bakit mamaalam na ang show.
“Nagbago na ho kami. ‘Yung aming mga writers noon, ngayon ay headwriters na. ‘Yung aming mga headwriters, creative managers na po. ‘Yung aming mga executive producers ay business unit heads na. Head na ng ibang department dito sa ABS-CBN.
“We have evolved into different people today. Naiba na po ang maraming bagay. Nagbago na po ang mga tao sa likod ng The Buzz,” paliwanag pa ni Kuya Boy.
Maging ang viewers daw ay nagbago na rin, gayundin ang form of communication ng mga tao. Kung dati ay personal na nanliligaw ang mga lalaki, ngayon ay puwede na sa text. Ang mga OFW ay may Skype na para makausap ang kanilang pamilya.
Sabi pa ni Kuya Boy, maging ang pamamaraan ng news reporting kasama na ang showbiz reporting ay nabago na.
“Ito ang dahilan kung bakit pansamantala kaming mawawala sa ere. We want to take few steps backward para makita namin nang mas malinaw kung sino kami, nasaan kami, at kung sino kayo, at nasaan na ho kayo. Para sa aming pagbabalik ay isang malaking pagbabago na ang inyong aabangan.”
Nangako si Kuya Boy na mawala man ngayon ang The Buzz ay muli silang magbabalik dahil ang talk show genre is here to stay at hindi raw puwedeng mamatay.
Ang hindi lang daw alam ni Kuya Boy, kung magbabalik sila as a group or individually.
Ayon pa kay Kuya Boy, desisyon nilang lahat ang pagkawala pansamantala ng The Buzz.
“That the best way is to stop today and then come back strong and be the best of what we can be,” pahayag pa ni Kuya Boy.
WALA NAMANG ibinigay na pahayag si Kris Aquino sa pagkawala ng The Buzz at hinayaan na lang niya na si Kuya Boy ang magsalita.
Maging sa social media account ni Kris, wala itong anumang message or post. Sa halip, ang panonood niya at dalawang anak ng You’re My Boss last Sunday pagkatapos ng The Buzz ang kanyang ipinost.
Sabi ni Kris sa kanyang post pagkatapos manood ng movie nina Toni Gonzaga at Coco Martin: “May hugot line for tonight from You’re My Boss: ang totoong nagmamahal ay naghihintay.”
Mensahe naman ni Kris para sa co-host sa The Buzz na si Toni Gonzaga: “Please know that our friendship will live on beyond The Buzz.”
Anyway, may dalawa pa namang show si Kris sa ABS-CBN, ang Aquino and Abunda Tonight kasama si Kuya Boy at Kris TV. May The Bottomline din naman si Kuya Boy.
Oh. C’mon!
By Gerry Ocampo