“The more, the merrier. There’s always room for everyone. Showbiz is big enough for another talk show. Ang maganda d’yan, marami ang mabibigyan ng trabaho sa industriya,” agad na tinuran ni Kuya Boy Abunda nang mabanggit namin sa kanya ang mga bagong shows ng TV5, ang Kapatid network, especially ang dalawang showbiz-oriented TV programs na Juicy at Paparazzi.
“Kung nate-threaten kami? No. Sa tagal ko na naman dito sa industriya, welcome lagi na may mga bagong shows na ganyan. Of course, merong competition. ‘Yun naman ang totoo,” dagdag pa ng King of Talk.
Masaya rin daw si Kuya Boy sa muling pagbabalik sa TV hosting ni Cristy Fermin. “She deserves a show, I always tell that. Nobody talks the way she talks. Kumbaga, may sariling brand ‘yung tao. Totoo ‘yan. She’s an original,” sabi pa ng mahusay na TV host nang makausap namin ito last Sunday sa kanyang dressing room sa The Buzz.
Dagdag pa ni Kuya Boy, “Mula sa aking puso, masaya ako. Kahit kailan, kilala ako ng mga tao sa labas at loob ng showbiz, hindi ako nagsuwapang.”
More than a year na rin pala ang nakalipas nang huli silang magkausap ni Cristy nang mawala ito sa The Buzz. Pero kung mabibigyan ng magandang pagkakataon, gusto raw na makausap ni Kuya Boy ang batikang showbiz columnist.
“Kung nagkaproblema man, umaasa ako na sana’y isang araw sa aming buhay kami’y magkausap. Hindi sa harap ng kamera kundi kami-kami. Magkakaibigan naman kami, hindi lamang sa showbiz nag-umpisa ang aming mga relasyon, sa labas pa. Ang pinakaimportante sa lahat, masyadong mahaba, masyadong malalim ang pinagsamahan namin dito bilang mga tao at bilang magkakaibigan. Hindi ko kayang makipag-away kay Cristinelli dahil sa haba at lalim ng pagsasama namin. Mahal ko ‘yan,” pagtatapos ni Kuya Boy.
SAMU’T SARI ANG REAKSIYON na natanggap namin sa texts ng mga listeners sa radio show naming Wow! Ang Showbiz! sa DWIZ 882khz, hinggil sa launching ng Party Pilipinas last Sunday, ang musical variety show ng GMA-7 na ipinalit sa SOP. Pero halos iisa lang ang sentimyento ng mga nag-text: Wala raw silang nakitang bago sa Party Pilipinas kundi ang titulo lang nito. Mas maganda at mas malaki nga raw ang stage, pero marami raw sa mga performers ng show ay hindi nila kilala. At ‘yung mga sikat namang tulad ni Mark Bautista, hindi nila alam kung sikat ba o hindi ‘yung kinakanta.
Sa tono ng mga natanggap naming texts, malaki talaga ang expectations nila na mas maganda ang Party Pilipinas kaysa sa SOP. Pero mukhang dismayado na agad sila.
Inabangan din namin ang launching ng TV show. Honestly, hindi rin kami na-impress. May kulang sa chemistry ng mga hosts. At mukhang kapos talaga ang Kapuso network sa mahuhusay at talagang sikat na singers. Hindi matatawaran sina Ogie Alcasid at Regine Velasquez, pero hindi sapat ang presence ng dalawa para maging party’ng party ang dating ng show.
Well, isang source naman ang nag-text sa amin na mas engrande ang selebrasyon ng Party Pilipinas sa April 11. Aabangan na lang ulit namin ‘yan.
BLIND ITEM: GALIT na galit ang komedyana na ni-recruit ng dalawang ex-actresses para sa campaign sorties ng isang tumatakbong kongresista sa Kyusi. Tinawaran na raw kasi ang talent fee ng komedyana, ang gusto pa raw ng kumausap dito, e, pagkatapos pa ng campaign period niya makukuha ang bayad sa kanya.
At ang mas lalong ikinawindang ng komedyana, ‘yung P20k na TF niya ay para raw sa 45 days na itatakbo ng kampanya ng kongresista.
“Susme, kalkulahin mo nga kung magkano lang pala isang araw ang komedyana sa TF na gusto nila? Halos wala pang isang libo! Ano naman ang akala nila kay [name ng komedyana], gano’n na kadesperada makaraket lang?” Ratsada pa ng close sa komedyana.
Bore Me
by Erik Borromeo