Boy Shabu

TAWAG NILA sa akin ay Boy Shabu. 12 anyos ang pagkaalam ko sa aking edad. Wala akong nakilalang magulang, kapatid o kamag-anak. Kaya ‘pag minsan tawag din nila sa akin ay putok sa buho.

Lumaki ako sa lansa-ngan kasama sina Popoy, Gretchen, Pitoy at Margie na halos kasing edad ko. Ang tirahan namin ay kariton, bangketa sa Divisoria at ‘pag minsan sa seawall ng Luneta. Nangangarap din ako. At ito’y ang araw-araw na pangarap na makakain ng kahit dalawang beses isang araw.

Nung wari ko’y ako ay 9 anyos, isang matandang Australiano ang nag-anyaya sa aking mamasyal sa Luneta. Binili ako ng tsinelas at damit, pinakain at pinanood ng sine. Pagkatapos niyaya ako sa ‘sang masurot na hotel. Pinaliguan. Pinakain uli at pinainom ng isang gamot na nagpagroge sa akin. Paggising ko sa umaga ako’y hubo’t hubad at labis na nanghihina. Wala na sa piling ko ang Australiano. Ngunit may iniwan siyang 2 daang piso.

Kalimitan minsan ‘sang beses kaming kumain. ‘Pag labis na minamalas, sumasala pa. Halos pumutok ang aming tiyan sa kirot at hapdi. ‘Pag minsan, ang aking dumi ay may dugo. Dalawang taon na ako’y ubo nang ubo. At tila ang mata ko’y naninilaw.

Para labanan ang gutom, nahumaling ako sa Shabu. Tatlong hitit sa plastik, katumbas ng almusal, tanghalian at hapunan. Kami ng mga kasama ko araw-araw, nagsa-Shabu session sa ilalim ng mga overpass. ‘Di kami pinagbabawalan ng pulis o anumang otoridad. Isang parak pa nga ang nagsu-supply sa amin. Bakit libre, ‘di ko alam. Nakaraang tatlong buwan, may isang posturadong lalaki ang lumapit sa amin. Sa halagang 200 piso may kukunin lang kaming ‘sang pakete sa tindahan ng ‘sang Intsik. Pagkatapos ibibigay namin sa isang bahay sa ‘di kalayuan. Aba, ‘di kami tumanggi sa grasya.

Sa loob ng ‘sang buwan ginawa namin ito. At araw-araw, nakakahigop kami ng mainit na sabaw at ulam at kanin. Ngunit ‘di na bumalik ang taong ito.

Ano ang daigdig ng aking buhay? Ako si Boy Shabu. Wala sa liwanag o anino ng lipunan. Ano ang lipunan?

SAMUT-SAMOT

 

PABORITONG FM radio ko ang DWBR. Dose oras sa halos continuous music: ballads, jazz, kundiman, classics. Therapy sa siesta time at pagdaloy ng nakababagot na maghapon. Naiinis lamang ako ‘pag station break at pagbasa ng isang discredited old journalist ng mga kolum mula sa Star at Inquirer. Tanong ng ‘di iilan kung sino ang pinapapel niya. Dapat tingnan ng management ito. Ang discredited journalist na napagbuntunan ng plagiarism nu’ng 1980s. Mula nu’n, banned na siya sa mga broadsheet at kahit ‘ata sa tabloid. Ang kanyang reputasyon ay nakaaapekto sa imahe ng DWBR.

‘DI NA biro-biro ang flooding sa Bulacan at ibang outlaying areas ng Metro-Manila. Obando, Baliuag, Bataan, Carmona, Rosario, Cavite, ang mga ilan dito. Dati-rati ‘di nangyayari ito. Panahon nang umaksyon ang DPWH sa paggawa ng dikes sa tabi ng ilog ng mga bayang ito. Ang mga illegal fishpen ay dapat buwagin na rin. Oy, kilos!

MAKABUBUTI NA isama ang minorities sa Conditional Cash Transfer (CCT) program. Mga sektor na ito ang talagang kapos at nangangailangan ng tulong. Kaila-ngan lang pag-igihan ang management ng programa para ‘di maaksaya. Tayo yata lang sa mundo ang nagpapabaya sa ating minorities. Nagkalat sa kalye ng Kamaynilaan ang mga Badjao at Aeta, nanlilimahid at nagpapalimos. Ang national budget sa kanila ay karampot. Sa U.S. alagang-alaga ang mga American Indian. Ganyan din sa ibang European nations.

‘DI NA pinatulan ni anchorman Noli de Castro ang patutsada ni P-Noy. Pinagtanggol siya ng ABS-CBN management. ‘Ika nga, it’s all part of the territory. Ang tila lamang out of taste ay ang place at timing ng Pangulo. Tinaon pa niya sa 25th anniversary ng TV Patrol na siya ang piling panauhin. Speaking of right breeding.

‘DI NA yata pinag-uusapan ang Comedy King pagkatapos ng halos isang linggo papuri sa kanya. Ganyan talaga ang buhay sa mundo. Out of sight, out of mind. Sa totoo, ‘pag ikaw ay pumanaw, sandali ka lang tatangisan. Isang buwan o gawin na nating isang taon. Pagkatapos, tuluyan ka nang makakalimutan. Mahalagang mag-iwan ka ng magandang alaala.

BILIB AKO kay Sen. Koko Pimentel. Sa prinsipyo. Sa iba-iba lulunukin ang prinsipyo para sa convenience ng panalo. ‘Wag siyang mag-alaala. Kahit tumakbo siyang independent, mananalo siya. Si Migs Zubiri? Baka damputin sa kangkungan. Samantala, si Sen. Dick Gordon ay nakasisiguro ng panalo. Kailangan siya sa Senado. Talagang pang-senador lang siya. Ganyan din si Sen. Loren Legarda. Ewan ko lang kung bakit maraming bilib na bilib kay Sen. Chiz. Isa ang tono ng boses. At pananaw ng marami, masyadong overrated. Say Chiz!

PARANG MAY dinaramdam ang aking idol Edu Manzano. Sa kanyang Sunday TV program sa Channel 5, halatang-halata ang kanyang pagkawalang sigla at pangangapos ng hininga. Balitang may asthma siya. Napakabuting tao si Edu. Isang kaibigan ko ang binigyan niya ng malaking financial help sa hospitalization. Brain tumor ang sakit at ngayon magaling na. Full of humility si Edu kaya siya’y hinahandugan ng Diyos ng tagumpay. Sana’y ma-overcome na rin niya ang asthma.

NAKALULUNOS ANG sitwasyon ng maraming dukhang maysakit sa public hospitals. Bukod sa kulang na sa doktor at facilities, wala pang maibigay na gamot. Salamat at ang PCSO ay nakatutulong sa kanila. Malaking bagay. Ang pamahalaan ay dapat bigyan pansin ang problemang ito.

BILIB AKO sa Standard columnist Emil Jurado. Sa edad na 86, napakalusog at malakas pa. Naging estudyante niya si dating Pangulong Erap sa Ateneo High School. At iba pang mga prominenteng tao sa pamahalaan. Napakabait at matulungin si Emil. Sana’y lumawig pa ang buhay niya.

PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez

Previous articleDagdagan Ang Bilang Ng Mga Embassy!
Next articleKapuso boyband na Upgrade, ginagamit sa pambubugaw!

No posts to display