ANG GILAS Pilipinas ay umakyat na sa pang-22 puwesto sa ranking ng FIBA world cup mula sa dating pang-35 lamang dahil sa ipinakita nitong galing at tapang. Sabi nga ng iba ay “puso” ang nagdala sa Gilas Pilipinas sa FIBA world cup. Ngayon ay pangalawa sa itinuturing na pinakamahusay sa basketball sa Asia ang Gilas.
Ang usap-usapan ngayon na tila lumulutang ay ang balak na pagbo-boycott umano ng Team Gilas sa Asian Games dahil sa hindi pagpapahintulot kay Andray Blatche na makapaglaro sa ligang ito. Hindi kasi sapat ang residency na 3 taon na inoobliga sa mga naturalized players gaya ni Blatche.
Marami ang nadismaya sa usapang boycott na ito. Bakit nga ba kailangang i-boycott ang Asian Games dahil lamang sa hindi makapaglalaro ang naturalized player na si Andray Blatche? Nangangahulugan ba na hindi ang buong Gilas team ang nagbigay ng karangalan at nagpakita ng galing sa FIBA World Cup dahil nakaasa ang buong team kay Blatche? Ito ang isyu na pag-uusapan natin sa artikulong ito.
HINDI YATA maganda na pinalalabas ng intensyong pagbo-boycott na si Blatche lamang ang player ng Gilas. Kung ako ang isa sa mga manlalaro na bahagi ng Gilas ay sasama ang loob ko sa usaping boycott na ito. Ito ay parang pambabastos sa mga Pilipinong players ng GILAS na tila wala silang galing na kayang magtayo ng sarili nating bandila.
Tila yata pati sa basketball ay lumalabas na umaasa na lang tayo sa tulong ng mga Amerikano. Bilang bansa ay lantad ang kahinaan natin na maipagtanggol ang ating bayan sa isang banta sa ating soberenya gaya ng ginagawa sa atin ng bansang China. Kaya naman ay nagpapasaklolo tayo sa hukbong sandatahang lakas ng U.S.
Kung pati sa basketball ay magmumukang wala tayong kakayahan na harapin ang mga manlalaro ng ibang bansa ay kalimutan na natin ang larong basketball. Ito kasi ang imahen na ipinapakita ng ating bansa sa isyu ng pag-boycott kung matutuloy ito. Sayang lang ang lakas at tapang na ipinakita ng Gilas sa nakaraang FIBA World Cup kung magkakataon.
KUNG SUSURIIN naman ang naging performance ng ating mga Pinoy na manlalaro ng team Gilas ay hindi matatawaran ang mga dunk nila Fajardo at Ocampo. Ang mga Pinoy na manlalaro ay tunay na nagpakita hindi lamang ng tapang kundi ng galing sa harap ng mga naglalakihang kalaban. Talagang may pang-world class na talento ang mga Pilipinong manlalaro ng GILAS kaya hindi sila dapat bale-walain.
Malinaw kasi na ang isyu ng boycott na ito ay pagwawalang-halaga sa ating mga Pinoy na manlalaro. Parang minamaliit sila sa kabila ng mga ipinakita nilang galing sa sports na basketball. Dapat nating tandaan na nakarating sila at nagkuwalipika sa FIBA World Cup nang wala si Andray Blatche. Hindi pa bahagi si Blatche ng manalo sila at pumangalawa sa South Korea.
Ngayong nasa ika-22 puwesto na ang Pilipinas sa larangan ng basketball sa buong mundo batay sa ranking ng FIBA ay hindi natin dapat sayangin ang magandang reputasyon na ito dahil lamang sa isyu ng boycott na ‘yan. Naniniwala ako na kaya ng mga Pinoy na manlalaro na manalo sa Asian Games kahit na walang tulong galing sa isang Amerikanong naturalized player.
ANG PROBLEMA kasi sa atin ay lagi na lang umaasa ang mga manlalarong Pinoy sa tangkad at laki ng mga naturalized players. Hindi rin naman natin masisisi ang kakulangan natin sa tangkad dahil hindi naman natin ito hawak sa ating mga kamay. Ngunit sa isang banda ay maaari rin naman nating piliin ang sport na babagay sa ating likas na pangangatawan.
Gaya na lang ng sport na archery kung saan ay nakakuha pa ng gintong medalya ang isang batang Pinoy sa kakatapos lang na Youth Olympics. Ang sport na ito ay bagay sa atin dahil sa hindi ito nangangailangan ng tangkad gaya ng sa basketball. Puso at matinding konsentrasyon ng utak ang kailangan dito. “Mind over body” nga ang labanan dito kung saan ay napakahusay nating mga Pilipino.
Magaling din ang mga Pilipino sa sport na dragon boat racing. Kamakailan lang din ay nag-uwi ng maraming gintong medalya ang dragon boat team ng Philippine Army mula sa Germany kung saan ginawa ang World Dragon Boat Racing Tournament. Dito ay tinalo ng Pilipinas ang mga malalaking bansa gaya ng Germany, China, France at U.S. Ang Pilipinas ang naging over-all champion sa palarong ito.
MAGALING ANG Pilipino sa sports lalo na kung ito ay nababagay sa atin. Sa katunayan ay ilang ulit nang hinamon ng ating Pambansang Kamao na si Manny Pacquiao itong si Floyd Mayweather sa laban ngunit tila hindi kaya ng Amerikanong boksingero ang galing at tapang ni Manny kaya lagi itong umiiwas sa laban.
Dapat sigurong pag-isipan ng Philippine Sports Commission ang dapat pinagbubuhusan nila ng pondo at suporta. Napapanahon na sumikat at maging kilala sa mundo ang ating mga manlalaro sa sport na kung saan ay tayo ang nangunguna sa buong mundo gaya ng dragon boat racing.
Kung magsasanay nang maaga ang marami nating kababayan sa mga sport gaya ng archery, boxing at dragon boat ay tiyak na ito ang magbibigay sa atin ng tunay na karangalan. Ngunit mangyayari lang ito kung may pondo at suportang magmumula sa gobyerno!
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan sa 92.3 FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo