NOONG 2016, naging matagumpay ang horror movie na “The Boy.” Ito ay kumita ng U$64 million sa takilya sa buong mundo, samantalang ginawa ito sa mababang budget na U$10 million.
Ang “The Boy” ay tungkol sa isang manyika na tinawag sa pangalang Brahms. Si Brahms ay binigyan ng isang yaya upang ituring ito na parang tunay na bata. Nang suwayin ng yaya ang pambihirang utos na ito, malagim na pangyayari ang kanyang sinapit.
Ngayong 2020, patuloy ang kilabot na hatid ng “The Boy” sa kanyang sequel na “Brahms: The Boy 2,” mula pa rin sa direksyon ni William Brent Bell at sa panulat ni Stacey Menear. Tinitiyak ni Katie Holmes bilang pangunahing karakter sa pelikula na ito ay magiging kasing-satisfying tulad ng unang pelikula.
Alam ng mga nakapanood ng “The Boy” na isang malaking twist tungkol kay Brahms ang hatid ng pelikula. Mula roon, ang “Brahms: The Boy 2” ay nakatuon naman sa iba pang nakamamanghang detalye tungkol sa nakatatakot na mundo ni Brahms. Sa katunayan, ang pagkakaroon ng sequel ay talagang sinadya nina Direk Bell at ang kanyang screenwriter na si Menear.
Ang batang si Jude ay ginagampanan ni Christopher Convery (batang Billy sa Stranger Things), habang ang kanyang ama at asawa ni Liza ay ginagampanan ni Owain Yeoman (The Belko Experiment, Emergence, The Mentalist).
Palabas na ang “Brahms: The Boy 2” simula ngayong February 19, 2020. Mula sa Viva International Pictures at MVP Entertainment.