MUNTIK nang maaksidente ang van na sinasakyan ng vlogger at dating Pinoy Big Brother housemate na si Brenda Mage habang papunta sila ng Atok, Benguet nitong Biyernes, October 7, 2022.
Nagbabakasyon sa Baguio City si Brenda kasama ng mga kaibigang vloggers na kung tawagin ay “social climbers” at ang boyfriend niyang si Gio Sta. Ana nang magdesisyon silang pumunta sa sikat na Northern Blossom flower farm sa Benguet. Habang on the way ang grupo ay nagkaroon ng aberya sa preno ng kanilang sinasakyan.
Sa kanyang Facebook page ay ikinuwento ni Brenda ang nakakatakot nilang karanasan at ang warning na nakita niya sa kanyang panaginip na naging senyales para hindi na nila ituloy ang pagpunta sa sikat na flower farm.
“Pupunta sana kami kanina sa Atok Benguet para puntahan sana namin yung magandang Northern Blossom na flower farm…. Mejo malayo ang byahe almost 2 hours. Natulog ako habang nasa byahe.
“Mejo di maganda panaginip ko. Pag gising ko nakakatakot ang daan bukod sa bangin malabo ang daan sa fog…. Di ako mapakali, tinanong ko ang driver kung malayo pa.
“Sabi niya 14km pa kaya sinabi ko balik na lang kami kasi mejo di talaga ako mapakali…” simulang kuwento ni Brenda.
Patuloy niya, “Then habang nasa byahe kami pabalik, mga 5-10 minutes, huminto kami kasi naramdaman ng driver wala na kaming preno… Kinilabutan talaga ako kasi di ako mapakali habang papunta kami. Buti na lang i decided to go back kasi mejo iba talaga napanaginipan ko, parang warning.
“Dahil malayo pa ang byahe pinatay namin ang aircon at tumakbo ang sasakyan using the handbrake. Nagdasal kami tapos nung habang nasa byahe bigla nalang bumalik ang preno.
“Nagulat din ang driver at naging ok na kahit tumatagas na talaga nung tiningnan nila. Dilikado talaga pero Praise God biglang naging ok ang lahat at nakauwi kami. Pero bukas bibili ang driver ng bagong preno/brake pad o anu ba tawag dun para mas safe pag uwi namin bukas sa Manila.
Nagbigay din ng paalala ang komedyante sa mga mahilig mag-travel sa malalayong lugar.
“Ingat po sa lahat ng mga bumabyahe lalo pag malalayo.. at pag may naramdaman na kayong warning o kakaiba wag na tumuloy. Minsan totoo talaga yung instinct. Thank you Lord nakauwi kami ng safe,” wika ni Brenda na labis na ipinagpapasalamat na walang nangyaring masama sa kanila.