TO QUIT or not to quit, ito raw ang dilema ngayon ni Commission on Elections Chairman Sixto Brillantes. Mas lalong naguguluhan si Brillantes dahil ang kanyang mga kaibigan na nakapalibot sa kanya ay taimtim na pinapayuhan siyang huwag mag-resign samantalang ang kanyang pamilya ay gusto na siyang magbitiw sa puwesto.
Dumating sa ganitong punto si Brillantes dahil sa kanyang pagkakapikon sa mga ipinalabas na desisyon ng Korte Suprema kamakailan lang na kinokontra ang ilang mga ginawang polisiya ng Comelec hinggil sa eleksyon.
Tulad na lang halimbawa sa pagdi-disqualify ng election body sa ilang grupo na gustong maging kasapi sa party-list samantalang hindi naman marginalized ang grupong kanilang dinadala.
Maganda nga sana ang ginawang desisyon na iyon ng Comelec, pero tila naging selective sila dahil mayroon pa ring mga grupong pinayagang makasali sa darating na eleksyon samantalang maliwanag naman na hindi marginalized ang grupong kanilang dinadala at ang mga nominee ay mga milyonaryo o bilyonaryo pa nga.
Sa ginawang pag-disqualify ng Comelec sa Ako Bicol, halimbawa, isa lang ako sa napakaraming sumang-ayon dahil hindi naman talaga marginalized ang mga Bikolano – wala silang ipinagkaiba sa mga Ilokano, Cebuano, Davaoeño, etc. Bukod pa rito, ang isa sa mga nominee ng Ako Bicol na si Zaldy Co ay isang mayamang negosyante. Siya ang nagmamay-ari umano ng pinaka-eksklusibo at pinakamalawak na vacation resort sa Kabikulan.
Pero bakit hindi dinisqualify ng Comelec ang Liquified Petroleum Gas Marketer’s Association (LPGMA)? Kailan ba naging marginalized ang mga dealer ng LPG? Isa pa, ang main nominee ng LPGMA ay si Arnel Ty – ang presidente ng asosasyon ng mga negosyante ng LPG. Ang pamilya ni Ty ay kasama sa listahan ng mga kilalang mayayamang angkan sa Isabela.
ISA PA sa naging kuwestiyonableng polisiya ng Comelec ay patungkol sa total gun ban sa mga sibilyan pati na sa mga opisyal ng gobyerno maliban na lang sa mga miyembro ng NBI at iba pang people in uniform ng law enforcement.
‘Di tulad noong mga nakaraang eleksyon na ang mga sibilyan na makapagpapakita ng matibay na ebidensya na sila ay may mga pagbabanta sa kanilang buhay ay nabibigyan ng exemptions tulad ng ilang miyembro sa media at mga negosyante. Pero ngayon, tabla-tabla raw muna lahat sabi pa ng Comelec.
Pero sa muli, selective pa rin ang naging patakaran sa total gun ban. At ang maliwanag na kapalpakan at katatawanan dito ay matapos ianunsiyo ng Comelec ang total gun ban, kasunod noon ay ang pag-anunsiyo nila tungkol sa pagbibigay ng exemption kay Pangulong Noynoy.
Nagmistulang mga kenkoy na magagaling sumipsip ang Comelec pagdating sa usaping ito. Si P-Noy ang pinakaguwardiyadong tao sa Pilipinas at dose-dosenang bodyguard ang kanyang kasa-kasama kahit saan pa siya magpunta pero gayunpaman, pinayagan siyang makapagsukbit ng baril ng Comelec?!
Ilan din sa mga pulitiko at kandidato na kaalyado ng Team P-Noy ay napabalitang nabigyan ng gun ban exemption, maging ang ilang mga kandidatong Muslim – ito ay dahil lamang sa isa sa mga commissioner ng Comelec ay tubong Mindanao.
PINAGBAWALAN DIN ng Comelec ang mga program anchor sa electronic media – telebisyon at radyo – ang kahit magbanggit man lang ng pangalan ng isang kandidato at lalo na ang magbatikos sa mga katiwalian nito dahil ito raw ay isang kaso ng electioneering. Pero wala silang ibinigay na kaparehong restrictions sa mga miyembro ng print media tulad ng mga kolumnista.
Kaya ang payo ko sa iyo, Brillantes, huwag ka nang mag-inarte, bilisan mo, mag-resign ka na, ano pa ang hinihintay mo? LAYAS!
Shooting Range
Raffy Tulfo