Akala ng iba, nawala na sa sirkulasyon si Bryan Termulo. Sa totoo lang, abala pa rin ang binata sa mga out of town shows. At hindi alam ng nakakarami, nagho-host siya sa isang programa sa Kapamilya Network.
Bukod nga sa pagkanta, nagho-host ang magaling na singer sa programang “Salamat Dok”, kung saan may segment siya sa naturang public service program. Madalas daw na laman ng kanyang segment ay maglakbay at magtuklas ng mga kapaki-pakinabang na bagay sa mga lugar sa Pilipinas at sa ibang bansa. Aniya, nag-e-enjoy siya nang husto sa kanyang ginagawa, na hindi lang siya nakapamamasyal kundi natututo rin siya at naibabahagi niya ito sa mga tao.
Isa pa sa pinagkakaabalahan niya ay ang kanyang pag-aaral. Bukod sa kursong Mass Communication, nakapagtapos na rin siya sa kursong Education. Pangarap pala niyang maging isang guro.
Katuwiran ni Bryan, hindi habang panahon ay nasa showbiz siya kaya binigyang-pansin niya ang kanyang pag-aaral. Ito raw kasi ang siguradong fall back niya kapag wala na siya sa entertainment world.
Samantala, abala rin ngayon si Bryan sa sunud-sunod na activities bilang newest ambassador ng Megasoft products. Bilang bagong kapamilya ng Megasoft, pagtutuunan ng pansin ni Bryan ang proyekto ng kumpanya na ‘School is Cool’.
Ngayong taon, siguradong maraming eskuwelahan silang pupuntahan para magbigay-kasiyahan at maipakilala ang mga produkto ng Megasoft. Nauna na sila sa Col. Lauro D. Dizon Memorial National High School sa San Pablo City noong January 9.
Rodel Fernando
by Rod’s Nest