DAHIL SA pagiging dating basurero, naka-relate nang husto si Buboy Villar sa pinagdaanan ni Manny Pacquiao noong kanyang kabataan habang nagsisimula pa lang itong sumabak sa amateur boxing sa Saranggani at General Santos City. Inamin ng binatilyo na bida sa pelikulang Kid Kalafu na katulad ni Manny, matinding hirap din ang dinanaas niya noon bago niya pinasok ang showbiz.
“Naging basurero po ako,” pag-amin ni Buboy sa presscon ng Kid Kulafu na palabas na sa Miyerkules (April 15). “Pero hindi ko naman po ito ikinaka-hiya. Dahil po do’n, natuto akong magsikap at abutin ang mga pangarap ko,” dagdag pa niya.
Sumabak sa ilang series of auditions si Buboy bago ibinigay sa kanya ni Direk Paul Soriano ang role ni Manny.
“Hindi naman puwedeng basta ko na lang ibigay kung kani-kanino ang role. Kid Kulafu is Manny Pacquiao’s story kaya kailangang ’yung magpo-portray ay halos kapareho ng personality niya, katwiran ni Direk Paul.
Tuwang-tuwa naman si Buboy nang sabihin sa kanya ni Direk Paul na siya ang napili for the role. Tatlong buwan siyang nag-training ng boxing at pinanood pa niya sa internet ang ibang laban ni Pacquiao.
Mas na-inspire din siya na galingan ang pagpu-portray kay Manny nang personal na niya itong makilala sa General Santos. Sinabihan pa raw siya na galingan pa niya ang pag-arte.
Ang akala ni Buboy ay mawawala na siya sa showbiz dahil nasa awkward age (17) na siya. Pero thankful siya na nabigyan siya ng ganito kalaking blessing.
“Akala ko talaga, la-lie low na ako sa showbiz kagaya nu’ng iba. Nu’ng dumating itong Kid Kulafu biglang may liwanag na pumunta sa akin na, ‘Go, push mo ’yan. Break mo na ‘yan!” kuwento pa ng binatilyo.
Kasama rin ni Buboy sa Kid Kulafu sina Cesar Montano, Alessandra de Rossi, Khalil Ramos, at marami pang iba.
La Boka
by Leo Bukas