ONLY BOY SI Bugoy Drilon sa limang magkakapatid. Dahil dito, na-acquire niya marahil ang malambot na kilos ng kanyang sisters, kung kaya’t lumaki siyang mahinhin at hindi bruskong tulad ng mga lalaki.
“Ang dami nga po riyang malalaki pa ang muscles at machong-macho kung kumilos, pero pusong babae pala,” natawang sabi ng pinakasikat na produkto ng Pinoy Dream Academy. “Ako, nakatitiyak sa gender ko. Kahit marami ang nagdududa na bakla ako, napatutunayan ko namang mali sila. Kahit ang mga classmates ko noong elementary pa lang ako sa Bicol, alam na hindi ako bakla. Pero, kung bakla ako, aaminin ko naman. Kaso nga po, hindi.
“‘Yung niligawan ko noong high school na ako, alam niya rin ang tunay na ako. Alangan namang magpaligaw siya sa bakla. Hindi ko lang siya naging syota, dahil may boyfriend na pala siya noon. Nag-best friend na lang kami. Kahit ngayon, sinusuportahan pa niya ako at nagte-text-an pa rin kami. Alam niya rin na nitong napasok ako sa PDA, nagkagusto naman ako sa housemate kong si Liezl. Kaya lang, tulad ko, marami pa kaming pangarap na umasenso ang buhay kaysa unahin ang pakikipagrelasyon. Totoo naman pong bata pa ako, dahil kabe-beinte anyos ko pa lang po.”
Dinibdib din ni Bugoy ang payo ni Liezl, kung kaya’t naging isang big hit ang first album niya sa ilalim ng Star Records. Hindi lang ilang beses nag-top sa music chart ang Paano Na Kaya? single niya, kundi naging title pa ng pelikula nina Kim Chiu at Gerald Anderson na naging blockbuster sa takilya kailan lang.
Kataka-taka ba kung sundan ito agad ng isa pang album? Mismong ang batikang composer na si Vehnee Saturno pa ang nag-produce ng kanyang album. Kasama rito ang mga awiting: “Hindi na Bale,”“Dahil Tanging Ikaw,” “Lumayo Ka Man Sa Akin,” “Pagka’t Mahal Kita,” at ang “Paano na Kaya?”
Ang carrier single ng 2nd album niya ay napakikinggan na rin lagi sa iba’t ibang radio stations nationwide at ginagamit na rin uli bilang sub-theme song ng Tanging Yaman teleserye nina Erich Gonzales, Enchong Dee at Ejay Falcon.
Kararating lang din ni Bugoy mula sa Japan, kung saan nakasama niya sa isang concert ang heartthrob na si Sam Milby. Narating na rin niya ang Dubai, Hong Kong, U.S.A. at New York.
Sa lahat ng kanyang awit, ang “Pagka’t Mahal Kita” ang gusto niyang ialay kay Liezl.
“Babalikan ko siya isang araw,” pangako ni Bugoy sa sarili. “Kapag nakaipon na ako ng sapat at wala pa siyang commitment sa iba, susubok uli ako na ligawan siya,” aniya.
Inalok na rin nga pala si Bugoy na magpatangos ng ilong. Para raw gumanda siyang lalake at lumaki ang tsansa na lalong sumikat pa.
“Hindi po ako pumayag. Kasi, suwerte na po sa akin itong hitsura ko. Baka mawala po ang suwerte sakaling mag-ambisyon pa ako ng higit kaysa sa hitsura ko. Tama na po ito sa akin. Kuminis na rin po ang magaspang kong kutis at nakapagdadamit na ako nang maayus-ayos dahil sa pagkakapanalo ko sa PDA,” patuloy niya.
“May nang-iintriga nga po na nalampasan ko na raw ang kasikatan ng big winner na si Laarni Lozada, pero hindi ko pinapansin. Mas masuwerte po siya dahil may sarili na siyang bahay rito sa Metro Manila. May P1M cash din po siya. Pero, ‘yung napanaluhan kong half a million pesos ay malaking kayamanan na para sa akin. Ang laki po ng naitulong noon para maipagawa ko ang maliit naming bahay sa Ocampo (malapit sa Iriga at Naga sa Bicol).
“At nakabili na po ako ng kotse,” masayang-masaya niyang balita. “Para po akong isang bata na hindi makapaniwala. Akalain mo, dati, ang kalabaw ko lang na si Goofy ang sinasakyan ko noon. Ngayon brand new na black Ford na at may driver pa. Grabe. Kapag nagsipag-sipag ako, baka higit pa roon ang mabili ko.
BULL Chit!
by Chit Ramos