MALAKAS ANG usap-usapan ngayon sa isa na namang isyu ng pinagdududahang anomalya sa pondo ng bayan na matatagpuan sa sangay ng Hudikatura. Gustong malaman at usisain kasi ng Kongreso kung nagagastos ba nang maayos at hindi ninanakaw ang Judiciary Development Fund (JDF).
Una nang sumambulat sa ating lipunan ang talamak na pagnanakaw ng ilang mga mambabatas, kasabwat ang mga pribadong tao at empleyado ng gobyerno sa pagmamanipula ng pondo ng Priority Development Acceleration Fund (PDAF).
Pinatigil ng Korte Suprema ang PDAF matapos maideklara itong “unconstitutional.” Kamakailan lang ay ipinag-utos din ng Korte Suprema ang pagpapahinto sa Disbursement Acceleration Program (DAP) na ginagamit naman ng Punong Ehekutibo para sa mga proyekto nito. Gaya ng PDAF, sinabi ng Korte Suprema na taliwas ito sa itinatakda ng Saligang Batas ng Pilipinas o “unconstitutional” ‘ika nga.
Ngayon ay nahaharap ulit tayo sa isa na namang isyu ng pinaghihinalaang ‘di makatuwirang paggastos ng pera ng bayan. Ano ba ang JDF? Anong uri ba ng pondo ito? Saan ba ito ginagamit? Bakit ba ito gusto usisain ng mga mambabatas? Ito ang mga katanungang nais kong aksyonan sa artikulong ito.
NITONG NAKARAANG Lunes ay nagsagawa ng isang “silent protest” ang mga manggagawa ng Korte Suprema at iba pang sangay ng Hudikatura, kung saan ay sinuportahan naman ito ng mga punong mahistrado, kasama maging ang mga itinalaga ni PNoy. Si Chief Justice Maria Lourdes Sereno ay nagsuot ng dark gray suit, habang ang mga judge at court employees ay nakagayak ng itim na kasuotan upang iprotesta ang panggigipit umano ni President Aquino.
Ang isa pang Aquino appointee na si Associate Justice Estela Perlas-Bernabe, ay suot ang kanyang black blazer. Si Justice Marvic Leonen, ang ikaapat na appointee ni Aquino, ay nakabarong Tagalog ngunit pabirong nagsabing itim naman ang kanyang pantalon. May humigi’t kumulang na 2,000 judges at 27,000 empleyado ang korte sa buong kapuluan.
Ang protestang ito ay nakatuon sa patung-patong na panggigipit umano ng Pangulo sa Hudikatura sa tuwing hindi umaayon ang desisyon nito sa kagustuhan ng Palasyo. Ang huling dalawang mainit na isyu para sa mga manggagawa ng Hudikatura ay ang pagkontra ni PNoy sa desisyong nagsasabing “unconstitutional” ang DAP at ngayon naman ay ang tangkang pagtanggal ng mga kaalyado ng Pangulo sa Kongreso sa JDF.
ANG PAGTANGGAL umano sa JDF ay pag-alis na rin sa pondong pinanggagalingan ng mga lehitimong benepisyo para sa humigit 30,000 empleyado ng Supreme Court, Court of Appeals, Sandiganbayan, Court of Tax Appeals at trial courts.
Sa isang panayam kay Chief Justice Sereno ng isang malaking pahayagan, sinabi nito na ang JDF ay hindi katulad ng PDAF at DAP. Ang JDF ay isang “special purpose fund” na itinalaga noong 1984 sa ilalim ng Presidential Decree No. 1949 para sa benepisyo ng mga miyembro at personnel ng Hudikatura upang masiguro na nananatiling independiyente ang sangay na ito, kasabay ang pagpapatibay na kautusang ito ng Saligang Batas at sa walang pagkiling na pagpapatangi sa batas.
Sa isang simpleng pag-unawa ay nilikha ang JDF para hindi umasa ang Hudikatura sa ibang sangay ng pamahalaan, gaya ng Ehekutibo at Kongreso para sa pondong kinakailangan nito para patuloy na mabigyan ng benepisyo ang mga manggagawang napapaloob sa Hudikatura. Sa ganitong paraan ay mananatili ang kanilang pagiging independiyente.
Hindi rin ito “discretionary fund” gaya ng sa PDAF at DAP dahil sinasabi ng batas na dapat ay 80% ng pondo ay mapupunta sa “cost of living allowance” ng mga mangagawa sa Hudikatura at hindi naman hihigit sa 20% ang dapat gamitin pambili ng mga gamit at pasilidad sa mga Korte.
Ang pondo ng JDF ay nagmumula hindi sa buwis at pondo ng bayan, kundi sa mga perang ibinabayad sa korte, gaya ng tuwing may nagsasampa ng kaso at nagbabayad na piyansa. Ang ilan pang mga bayarin na ginagastahan ng mga taong dumudulog sa korte ang pinanggagalingan ng JDF.
ANG HINALA ng marami na ang pag-uusisang ito ng mga kongresista at umano’y tangkang pagtanggal ng JDF ay pasimuno lamang ng mga kaalyado ng Palasyo para gipitin ang Hudikatura at matuto itong sumunod sa hilig at layaw ng Pangulo.
Sa isang banda ay may punto ang hinalang ito ng marami, pati na ng mga mangagawa ng Hudikatura, dahil ito ang pagbabantang sinabi ni PNoy sa kanyang talumpati noong ipinagtanggol nito ang DAP. Talaga yatang may pagka-“bully” ang ating Pangulo kung may katotohanan man ang hinalang ito.
Ngunit maaari rin nating isipin sa kabilang kamay na ang pagsisiyasat na ito ng Kongreso sa pondo ng Hudikatura ay isang uri lamang ng malayang pagpapatupad ng demokrasya sa ating bansa. Ang mga nagaganap na baliktaktakan at pagpuna ng bawat isang pangunahing sangay ng pamahalaan – Ehekutibo, Lehislatura at Hudikatura – ay isang patunay lamang na buhay ang demokrasya sa atin.
Ang pagpapatanggal kay dating Chief Justice Renato Corona ng Lehislatura, pagpapakulong ng Ehekutibo sa mga hinihinalang mambabatas na umabuso sa pork barrel scam, at pagpapatigil ng PDAF at DAP ng Hudikatura ay mga buhay na tanda ng ating pagiging isang malayang demokratikong lipunan.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo