Buhay-talangka

EWAN KUNG BAKIT ako nagkaron ng allergy sa pagkain ng talangka. Nu’ng bata pa ako, paborito ko ito. Nakakapag-laway kainin kasama ng mainit na kanin at sawsawang suka at sili. Masarap ding pulutan sa lambanog o rhum. Nadayo pa ko sa Pampanga para mamili nito. Tatlong beses isang linggo puro talangka ang ulam ko.

Bakit ako na-allergy? Sabi ng doctor, dahil daw bumaba ang immune system ko. O, kaya kasama na ito sa pagtanda. Ang maging allergenic sa maraming bagay. Puwera lang sa pera o paminsan-minsa’y mga nagdaraang babaeng maalindog.

Bakit talangka ang paksa ko? Sapagkat naisip ko na ang talangka ang dapat maging simbolo ng ating bayan. Talangka mentality. Ito ang tanikalang gumagapos sa ating pagkakaisa at pag-unlad. Busabos at lalong humihirap ang ating bayan.  ‘Di maglalaon, malalampasan tayo sa kaunlaran ng Bangladesh. Umarangkada na ang Vietnam sa atin. Ang Taiwan ay malayung-malayo na. Nasadlak tayo sa pusali. At maputik na kangkungan. Dahil sa talangka mentality.

‘Di naman tayo mga bobong Pilipino. Super great ang ating super heroes. Kagilas-gilas ang ating kultura. Napakayaman natin sa natural resources. Saan tayo napadpad?

SAMUT-SAMOT

TATLONG BUWAN NANG namamahay ang Pitik-Bulag sa Pinoy Parazzi. Ang panahong ito ay parang lastiko na binanat sa isang tirador. Mabilis. Malaking pagbabago sa aking semi-retired na buhay. Magaling na ehersisyo sa tumatanda kong pag-iisip. Ewan ko kung ilan ang sumusubaybay sa akin. Masasabi ko sa kanila na lahat kong pitak ay galing sa kaibuturan ng aking puso at paniniwala. Ang mga puna ay mga purga sa katiwalian nating napapansin. Ang pagpuri ay panghalimuyak sa mga bagay at gawaing magaganda. Nagpapasalamat ako sa ating butihing Publisher, Raimund Agapito.

NAG-REUNION KAMI NG high school classmates ko sa Ateneo de San Pablo Class ’59. Malungkot at masaya. Inuman, kainan, kantsawan at palitan ng kuru-kuro sa mga discomforts ng pagtanda. Pagbalik-tanaw sa ‘di mali-limutang high school days. At iba pang mga bagay-bagay na nagtahi sa aming mga puso ng isang kapatirang ‘di maipaliwanag.

Ewan ko kung kailan muli kami magkikita. Lahat ay abalang-abala sa tinatahak na buhay. Pag-aalaga sa apo.  Pagpapagamot. Paghahanap-buhay. Isang araw, na hitik sa magagandang alaala. Pag-uwi sa Maynila sa dapit-hapon, sumaisip ang kabilisan ng panahon at buhay. Ngayon narito, bukas wala na. Alaala na lang ang maiiwan.

ISANG DEADLY NGUNIT silent killer ang diabetes. Tinatayang limang milyon na ang diabetiko sa bansa. At ang numerong ito ay lumalago pa. Napakahirap ang sakit. Bukod pa sa wala pang lunas, araw-araw ikaw ay unti-unting pinapatay. Kung anu-anong sakit ang gumagapang sa buong katawan. Ang severe complications ay maaaring magdulot ng pagkabulag, pagkaputol ng paa, o biglang atake sa puso.

Ako ay 30 taong nang diabetiko. Under insulin twice a day. Puro pasa na ang buong katawan ko sa araw-araw na turok ng insulin. Bukod pa rito ang araw-araw na pag-inom ng mahigit na 12 klaseng gamot. ‘Pag minsan, mahirap makatulog.  Laging biyahe sa banyo at inom ng maraming basong tubig dahil sa ‘di maipaliwanag na pagkauhaw.

Minsan, gusto ko nang sumuko. Naghahadlang sa akin ay ang aking pananampalataya sa Maykapal. At ang pananalig na ang paghihirap na ito ay sakripisyo ko sa Kanya.

BINALIKAN NAMIN NG kaibigan kong Caloy Ardosa ang Richmonde Hotel. Dagli kaming nakakuha ng ilang kaibigan na naglilingkod bilang GROs. Dito ko nalaman na sila ay contractual workers, walang benepisyo o iba pang fringes at anim na buwan lang ang kontrata. Bukod dito, napakababa pa ng suweldo. Nakakalungkot.  Sa ibang shopping malls sa buong kapuluan, ganyan din ang estado ng mga nagtatrabaho. Wala bang maglakas-loob na tingnan ang plight ng mga contractual workers?

PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez

Previous articleOreta, sisirain ng langaw; at police collectors sa Maynila
Next articleDaiana Menezes, isang taong inaway ng mga fans ni Juday!

No posts to display