KAHAPON, GINANAP ANG hearing para sa kasong isinampa ni Aiko Melendez kaugnay ng PD 9262 o Anti Violence Against Women laban sa dati niyang karelasyong si Bulacan, Bulacan Mayor Patrick Meneses. Ito bale ang kontra-demanda ng aktres sa libel case nai-file naman ng huli against her.
Sa nasabing pagdinig, nagkita sa unang pagkakataon ang dating magkarelasyon. Kinumpirma ito sa text sa amin ni Mayor Meneses. Pero ayaw niyang magdetalye kung paano ang naging paghaharap nila ni Aiko. Hindi umano siya puwedeng magsalita dahil sa gag order ng korte sa kanya.
No’ng Tuesday night nga bago ang kanilang hearing, aksidenteng nagkita kami ni Mayor Meneses sa isang art gallery pero panay ang iwas nga niya na matanong tungkol sa demandahan nila ni Aiko. Pakiusap nga niya, wala na raw interview. Kaswal na kuwentuhan na lang daw.
Hindi naman maiwasang usisain siya kung pakiramdam nga ba niya’y nagkaroon ng malaking epekto sa imahe at pagkatao niya ‘yong mga paninira sa kanya na diumano nga ay si Aiko ang may pakana? Lalo at nakukuwestiyon pati ang kanyang gender at inili-link siya sa isa pang mayor na si Enrico Roque.
“Ang hirap kasi hindi ako sanay sa ganito talaga, eh,” aniya. “This is my first case. My first legal trouble. And all my ex’s, we’re okay. I’m friends with my ex’s.”
Sila nga lang ni Aiko ang hindi maganda ang naging paghihiwalay dahil bukod sa mga isyung ibinunga ng break-up nila, humantong pa nga ito sa pagsasampa nila ng demanda sa isa’t isa.
Hindi rin malinaw kung ano nga ba talaga ang rason kung bakit sila nag-split. Although nilinaw nilang walang third party sa kanilang hiwalayan, parehong tikom ang kanilang bibig tungkol dito.
May tsismis na nalulong daw kasi si Aiko sa pagka-casino na hindi raw nagustuhan ni Mayor Meneses. At ito ang sinasabing posibleng dahilan umano ng tuluyang pagkakalabuan ng dalawa.
Pero itinanggi niya ito. In fairness daw kay Aiko, hindi naman umano totoong lulong ito sa pagka-casino. Isa raw sa naging problema sa relasyon nila ay ‘yong kawalan niya ng time kung minsan dahil na rin nga sa tungkulin niya bilang isang public servant. Na nahihirapang maintindihan daw ng aktres.
Sinasabing maganda naman ang performance niya bilang mayor ng Bulacan. Kaya anuman siguro ang paninirang ibato sa kanya, hindi basta-basta makakaapekto ito sa respeto, suporta, at magandang pagtingin sa kanya ng mga constituents niya.
“Pero may stigma pa rin iyon sa mga tao. Hindi naman maiaalis ‘yon, eh. At kumbaga, the damage has been done.”
Hindi ba niya puwedeng patawarin na lang si Aiko?
“It’s hard for me kasi to answer that. Dahil wala namang humihingi ng kapatawaran.”
Kung sa bagay nga, tila wala namang planong humingi ng patawad sa kanya si Aiko. Bilang buwelta sa libel case na isinampa niya laban sa aktres, nag-file din nga ito ng demanda against him.
“May in-issue sa akin na temporary prevention order. Na I can’t get near her.”
Something to do with PD 9262 o Anti Violence Against Women ang kasong isinampa ni Aiko laban sa kanya.
“Bayolente raw ako,” ani Mayor Meneses.
Pero wala naman daw siyang matandaan ni isang insidente na naging violent siya at nasaktan niya si Aiko sa mga pagkakataong nagkakaroon sila ng pagtatalo o hindi pagkakaintindihan. Ang aktres nga raw ang may pagka-bayolente sa mga gano’ng situwasyon pero hindi niya pinapatulan.
May mga pagkakataon daw kasi na nagseselos si Aiko at kinukumpronta siya. Pinag-iisipan umano siyang may ibang babae at pilit pinapaamin. E, wala naman nga raw so ano ang aaminin niya?
Ipinauubaya na nga lang daw niya sa korte ang lahat. And at the rate things are going, kung siya ang tatanungin, malabo raw talaga kung ang pag-uusapan ay posibilidad ng out of court settlement sa pagitan nila ni Aiko.
Diretsahang nasasabi rin nga ni Mayor Meneses, wala na siyang nararamdamang love for Aiko. No’ng kasagsagan ng isyung paninira sa kanya ni Aiko na magsimula sa Twitter, do’n na raw ito nawala pati na rin ang respeto niya umano sa aktres.
‘Yun na!
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan