SOBRANG MISS na raw ni Bulacan Vice Governor Daniel Fernando ang pag-arte. Pero hindi niya ito maisingit sa kanyang busy schedule dahil full time siya ngayon sa pagiging public servant.
Huli siyang napanood sa teleseryeng Muling Buksan Ang Puso ng ABS-CBN. Pagkatapos nito, ilang soap opera at pelikula sana ang nakatakda niyang gawin, pero hindi natuloy dahil sa kawalan niya ng oras para rito.
“May panghihinayang din ako siyempre ro’n sa mga projects na hindi ko natuloy na gawin,” sabi ng actor-politician. “Hindi naman talaga nawawala kahit kailan ‘yung pagnanais ko na muling humarap sa kamera. Kasi, mahal ko ang pag-arte, dahil naging masuwerte din naman ako sa career ko nu’ng magsimula akong pumasok sa showbiz, at nakarami rin naman ako ng mga nagawang pelikula. Pero sa sitwasyon ko ngayon, ang hirap na basta ko muna iwan ang tungkulin ko at isabay ko ang pag-aartista, dahil hindi nga madaling gawin iyon sa ngayon.
“Pero hindi ko iniwan ang showbiz. Wala akong planong tuluyang talikuran na ang pag-aartista. Kung anuman ang narating ko ngayon, isa sa mga nakatulong ay ang pagiging artista ko. Hindi lang ako aktibo sa pag-arte sa ngayon, pero mananatiling nasa puso ko ito. Nagkataon lang, na dinala rin ako ng kapalaran ko na mapunta sa larangan ng public service.
“Habang nabibigyan kasi ako ng pagkakataon na pagkatiwalaan na manungkulan, iyon kasi ang panahon na medyo laylay ang showbiz. Noon ay medyo malungkot na kumonti na ang nagpoprodyus ng mga pelikula. Itong pagiging public servant ko ngayon, isa rin ito sa pinangarap ko simula no’ng bata ako. Kaya isang malaking pasasalamat din na nabigyan ako ng pagkakataon at pagtitiwala ng mga kababayan kong Bulakenyo.
“Medyo iba ang takbo ng buhay ko ngayon dahil nga nasa politika ako. Pero nandiyan pa rin nga ang pagmamahal ko sa acting. Ang kailangan ko lang siguro ay pagkakataon na maluwag ang schedule ko at puwede na naman akong umarte sa harap ng camera. I’m looking forward to it at sana may matapat sa akin na magandang project at role kung sakaling may time na ulit ako.”
Dati, sa pagiging artista nakatatanggap ng recognition si Daniel. Ngayon, sa pagiging public servant naman siya sunud-sunod na nabibigyan ng award at pagkilala dahil sa magandang track record ng kanyang panunungkulan. Kamakailan nga, muli na naman siyang kinilala bilang Outstanding Local Legislator of 2015 na iginawad ng Superbrand Marketing International, Inc. Kasama niyang tumanggap din ng ganitong award sina Cavite Vice Governor Jolo Revilla, Batangas Vice Governor Jose Antonio “Marc” Leviste, at Kalinga Vice Governor Allen Jesse Mangaoang.
Muli siyang ginawaran ng ganitong parangal dahil sa kanyang mga proyekto at programa gaya ng Damayang Filipino “Pangkabuhayan Mo Sagot Ko, Paunlarin Mo” Livelihood Program, Dunong Filipino Legal Mission, Dugong Alay ng Bulakenyo, Damayang Filipino Computer On Wheels, Call Center Training Program, at mga medical misson at feeding programs sa buong lalawigan ng Bulacan.
“Ito ngayon ang isang nagpapasaya sa akin,” ani Vice Givernor Daniel. “Kung masarap ang pakiramdam na sa showbiz ay binibigyan ka ng pagkilala dahil mayroon kang ginawang maganda, ganu’n din naman ngayon kung nasaang larangan ako. Ibinibigay ko talaga ngayon ang malaking bahagi ng pagkatao ko at ng panahon ko sa pagiging public servant. Kaya nakatataba ng puso ‘yung mabigyan ka ng pagkilala, dahil okey ang ginawa mo.
“Parang ito ang kapalit, na dahil naisasakripisyo ko nga muna ang showbiz career ko, kaya may magagandang resulta naman ang ginagawa kong paglilingkod sa aking mga kababayan sa Bulacan.”
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan