HINDI NA bago sa atin ang bulok at mabagal na serbisyo sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA). Minsan na rin itong binasagang “worst airport” in the world. Talaga namang kaawa-awa ang mga Pilipino dahil sa kabila ng mga binabayaran ng mga gumagamit dito at ang pondong inilalaan ng gobyerno rito, na galing naman sa ating mga buwis, ay tila napupunta lang lahat sa wala. Ngunit ang pinakamasaklap ay kung pati ang serbisyo ng mga security sa NAIA ay maging banta na sa mga taong gagamit ng paliparan.
Isang malaking isyu sa katunayan ang napabalitang estilo ng ilang mga security personnel sa NAIA upang makapangotong ng pera sa mga pasahero rito. Bukod pa sa isang banyagang misyunaryo na nagreklamo hinggil sa extortion na ginagawa ng ilang security sa NAIA, ay isang balik-bayan na Pilipino rin ang nagreklamo dahil sa nangyaring pangingikil sa kanya gamit ang parehong estilo. Ito ay ang paglalagay ng ilang pirasong bala ng baril sa kanyang bagahe.
Base sa mga ulat, ang parehong pasahero ay nagkaroon ng parehong problema sa NAIA dahil sa nakitang mga bala ng baril sa kanilang mga gamit. Pagkatapos umano silang pigilan at tanungin sa isang silid dahil sa nakitang bala sa kanilang gamit ay hiningan umano sila ng pera para palusutin ang insidente at hinid na sila maabala. Ang unang biktima na isang may edad na babaeng balik-bayan, ang sabi umano sa kanya ng 2 NAIA security ay ok na ang P500 na padulas. Samantalang hiningan naman ang misyunaryong lalaki ng mas malaking halaga na tinatayang humigit-kumulang sa P50,000.
NAKABABAHALANG TILA naabsuwelto ang mga security personnel sa NAIA na sangkot sa pangingikil na ito. Ayon kasi sa kanilang pag-iimbestiga ay walang nakitang ebidensiya sa kuha ng CCTV ng NAIA ukol sa insidente. Ngunit bakit kailangang malimitahan ang insidente sa kung ano ang nakuhanan ng CCTV. Napakadali naman kasing kalikutin o manipulahin ang nakuhanan nito. Marami ring anggulo na dapat silipin gaya ng mayroong 2 biktima na nagrereklamo.
Hindi maaaring isang isolated case lamang ito gaya ng ipinapalagay ng pamunuan ng NAIA security. Unang-unang na ang tanong na bakit magrereklamo ang 2 pasahero ng iisang insidente at parehong karanasan sa pangingikil ng ilang security ng NAIA? Ano ang nagdala sa kanila para ireklamo ang mga akusado? Maliwanag na sila ay mga biktima lamang ng extortion. Pangalawa ay magkaiba ang personalidad ng mga biktima at tila malayong sila ay mga klase ng taong magdadala ng isang bala ng baril sa kanilang mga bagahe. Tila may pinag-aralan naman ang parehong biktima at nalalaman nila ang mga bawal at iba pang alituntunin sa airport.
Ano ba ang gagawin ng isang may edad na babae sa isang bala ng baril? Bakit siya magdadala nito? Ano ba ang gagawin ng isang misyunaryo na nagtuturo lamang ng Bibliya sa isang bala ng baril? Ang mga tanong na ito ay sapat na para mag-isip ang NAIA security na talagang itinanim ang mga bala sa mga bagahe ng biktima upang makikilan ang mga ito. Dahil ba hindi nakita sa CCTV ang hinahanap nilang ebidensiya ay nangangahulugang hindi na totoo ang ibinibintang ng mga biktima sa ilang security personnel ng NAIA? Maliwanag pa sa sikat ng araw na nagbubulag-bulagan lamang ang pamunuan ng NAIA security.
NAPAKAHIGPIT DIN ng security sa airport sa U.S. na pinanggalingan ng biktimang misyunaryo. Paanong hindi makikita ito roon? May mga kasamahan din ang misyunaryong ito na makapagpapatunay sa mabuting pagkatao ng biktima. Kaya naman kataka-taka na pagdudahan ng pamunuan ng NAIA security ang akusasyon sa mga security personnel nila.
Isa lang ang ibig sabihin nito. Sila ay nagtatakipan dahil tiyak na makasisira na naman ito sa imahe ng NAIA. Natatakot sila na kung mapatutunayan na may nagaganap ngang ganitong uri ng sistema ng extorsion sa NAIA ay lalong malulubog sa kumunoy ng kasiraan at kahihiyan ang NAIA. Ang pamunuan naman ng NAIA security ay gumagawa lang ng paraan para mailigtas din ang kanilang mga ulo dahil tiyak na sila ay mapuputukan din nito.
Nagtatakipan na sila sa NAIA kaya naman lalong nakaaalarma ang ganitong sistema. Paano na ang kaligtasan ng mga pasahero mula sa mga extortionist na ito sa NAIA kung pagtatakpan lamang sila ng pamunuan ng NAIA security? Natitiyak kong hindi lamang 2 ang naging biktima nito, kundi marami na ngunit natakot lamang ang mga biktima na maabala dahil sa insidenteng ito. Nakaaawa na talaga ang mga pasaherong gumagamit sa NAIA dahil wala nang matinong serbisyo ang maibigay ng NAIA sa kanila.
DAPAT NANG makialam ang gobyerno sa imbestigasyon na ito. Hindi dapat payagan ng Department of Justice (DOJ) at ng National Bureau of Investigation (NBI) na matapos lamang ang imbestigasyon sa kamay mismo ng pamunuan ng NAIA security dahil halatang bulag ito at nagtatakipan lamang sila roon. Dapat ay masampahan ng kasong kriminal ang mga akusado at makulong. Hindi sapat na matanggal lamang sila sa trabaho kundi ay dapat pagbayaran nila ang kanilang krimen sa bilangguan!
Shooting Range
Raffy Tulfo