NU’NG DEKADA ‘70, pinakatampok na awitin ang “Bulag, Pipi at Bingi” ni Freddie Aguilar. Golden decade ng Original Pilipino Music (OPM) noon na bumabandera rin sina Basil Valdez, Didith Reyes, Celeste Legaspi at Hadji Alejandro. Panahon din ng Pinoy rock music na tampok sina Sampaguita at Florante. Ang dekadang ito’y isang alaala na lang ngayon.
Tagos-kaluluwa ang mensaheng awit ni Aguilar at habang ninanamnam ko ito, namamalas ang kalaliman ng hiwaga at kahulugan ng buhay. Ang hamon at pakikibaka ng ating paglalakbay. Kalimitan kaaway ang ating sarili. At laging may nakabukang bangin sa patutunguhan.
Mapalad ang “bulag” wika ni Aguilar. Walang kasamaan o malisyang nakikita. Mundo lang ng kadiliman na kunsensiya ang taning liwanag. Ligtas sa mga demonyong pananaw sa halot lahat ng ikot ng buhay.
Mapalad ang “pipi”. Ligtas ang dila sa pabibigkas ng kasamaan. May kasabihang ang dila ang unang kinakain ng uod ‘pag tayo’y namatay. Ang dila ay instrumento ng malisya, tsismis, intriga at iba pang kasamaan.
Mapalad ang “bingi”. Ligtas sa paririnig ng ingay ng mundo, sa mga boses na kumikitil ng wastong pag-iisip at nagpapaitim ng kunsensiya. Nakababaliw ang ingay ng buhay sa mundo. Mapalad ang “bingi”. Sa kanya ang katahimikan ng puso at kaluluwa.
Sa edad na 68, ngayon ko lang malalim na naisip ang kahulugan ng awit. Pinagdaanan ko sa buhay – tagumpay, kabiguan, pait at saya – ay parang napakahabang telenovela. Walang maipangalan. Walang maipamagat. Sa salitang Ingles, “quicksilver” ang buhay natin sa mundo. Mabilis. Mabagal. Kalimitan ay humaharurot. Ang pahinga – tunay na pahinga – pagbalik natin sa abo. Ano ang ginawa natin sa buhay? Pang-sarili lang? O pang-Diyos at pang-kapwa?
Awitin mo muli, Freddie: “Bulag, pipi at bingi”. Pinakamapalad kayong nilalang.
SAMUT-SAMOT
BAKIT TILA may exodus ng talents mula GMA-7 papunta ng ABS-CBN 2? Balik Kapamilya sina Janice de Belen, Carmina Villaroel, Patrick Garcia, Ariel Rivera, Richard Gomez, Joey Marquez, John Lapuz, at Eula Valdes. Nag-ober da bakod na rin si Iza Calzado. Mukhang wala silang mga bagong projects sa Kapuso at sila’y naging “frozen delights” kaya naman ‘di sila nagdalawang-isip na lumipat ng bakuran. Habang sinusulat namin ito, may iba pang talents ng Kapuso ang nagbabalak lisanin ang kanilang pinaglingkuran ng ilang taon. Kung tuluy-tuloy ang ganitong pangyayari sa Kapuso, dalawang giant networks ang makikinabang – Channels 2 at 5.
SA MGA naghahabol pa ng pang-regalo, tuloy pa rin ang mga bargains sa Divisoria. Tila ‘di naubos ang mga cheap items sa malawak na flea market na ito. Bumaha kasi nu’ng Kapaskuhan ng iba’t ibang uri ng pangregalo: picture frames, flash lights, ballpens, bags, RTWs, toys, decors, curtains, wall clocks, ceramics, at cooking utensils. Kumbaga, mga sobrang stocks ay mabibili pa rin sa mga may puwesto at sa bangketa sa abot-kayang halaga. Tara na sa Divisoria.
KUNG AKALA n’yo ay wala nang mabibiling pan de sal na tinatawag na “old fashioned” sa panahon ngayon, nagkakamali kayo. Nu’ng kamusmusan ko pa nu’ng dekada 50s, nagisnan ko ang pan de sal na malutong sa labas at makunat sa loob na ‘di matamis. Nung araw, singko sentimos lang ito at siksik.Hanggang ngayon, mayroon pa ring ganu’ng klaseng pan de sal na mabibili sa dalawang panaderya sa Paco, Maynila at isa sa San Andres, Malate, Manila. Ang naturang pan de sal ay nagkakahalaga ng mula P3.00 hanggang P3.75, depende sa laki. Sa paglipas ng panahon, ‘di nagbago ang lasa ng nasabing “old-fashioned” pan de sal. Bagay ipalaman dito ang Chinese ham,imported na keso de bola o Spanish sardines at talagang swak na swak. Sabayan mo ito ng hot native chocolate at sigurado ayos ang iyong almusal.
PINAAABOT NAMIN ang aming pagbati sa pag-iisang dibdib ni Rep. Roman Romulo at Councilor Shalani Soledad. Whirlwind romance na sinuwerte na mauwi sa dagliang kasalan. Kahit may distansya sa edad si Romulo, ‘di ito halata. Bagay na bagay ang dalawa. Sana’y magkaroon sila ng maraming supling at kaligayahan habang buhay. Mabuhay ang newlyweds!
FIRST QUARTER ng bagong taon ay halos palipas na. Bilis ng panahon. Ang transport sector at consumers ay nagwawala sa galit dahil sa sunud-sunod na taas ng presyo ng gasolina. Wala na ba talagang magawa ang pamahalaan dito? Samantala, palobo nang palobo ang hanay ng walang trabaho. Sa mga lansangan, nagkalat muli ang mga batang pulubi.
SA MGA squatter areas, nag-aapoy ang impiyerno ng pagkagutom at pagkakasakit ng mga dukha. Tutukan naman sana ang ganitong kalunus-lunos na kalagayan. ‘Pag na-acquit ba o na-convict si CJ Renato Corona, may fried chicken agad sa hapag ng mahihirap?
SA HULING survey, bumabandera na ang Pinoy Parazzi sa nangungunang hanay ng mga tabloids. Alas-sais pa lang ng umaga, wala nang mabili sa maraming newsstands o sa mga naglalako sa kalye. ‘Di ito pagbubuhat-bangko. Subalit ang Pinoy Parazzi ay tops sa malinamnam na balita ‘di lamang sa showbiz kundi sa pulitika, at kultura. Saludo kami sa ating Publisher, Raimund Agapito at sa kanyang professionalism sa pamamahala. Mabuhay!
PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez