BINABATIKOS NGAYON ang pagkakahirang kay dating Police Director Lina Sarmiento bilang pinuno ng “Human Rights Victims Claims Board”. Sa ilalim ng batas na Republic Act No. 10368, mas kilala sa tawag na “Human Rights Victims Reparation and Recognition Act of 2013″, ang nasabing ahensya na pamumunuan ni Gen. Sarmiento ang naatasan na sumuri at magkaloob ng kompensasyon para sa mga taong naging biktima ng pang-aabuso sa kanilang karapatang-pantao sa ilalim ng rehimen ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos. Saklaw nito ang mga naging biktima ng pang-aabuso mula September 21, 1972 hanggang February 25, 1986.
AYON SA batas na nabanggit, ang mga kasapi ng Human Rights Victims Claims Board ay kinakailangan na may malalim na pag-unawa sa karapatang-pantao at naging bahagi ng paglaban sa mga pang-aabuso noong rehimen ni dating Pangulong Marcos. Nagtataka ngayon ang taong-bayan kung bakit sa dami ng mga naging biktima ng pang-aabuso noong panahon ng Martial Law na maaaring mahirang na kasapi ng nasabing ahensiya, isang dating pulis pa na nasa kabilang bakod noong panahon ng Martial Law ang napili ni Pangulong Benigno Aquino III para sa nasabing posisyon.
AYON PA nga kay Senator Joker Arroyo, ang pagkahirang kay Gen. Sarmiento ay isang pagyurak sa kasaysayan ng krusada laban sa pang-aabuso noon panahon ni dating Pangulong Marcos. Idinagdag pa ni Sen. Arroyo na hindi kuwalipikado si Gen. Sarmiento para sa nasabing posisyon dahil ang mga miyembro ng Human Rights Victims Claims Board ay dapat may karanasan sa paglaban para sa karapatang-pantao.
HINDI NAMAN natin masusukat ang kakayahan ni Gen. Sarmiento sa paglilingkod sa bayan. Maaari nga na wala naman siyang kinalaman o partisipasyon sa mga pang-aabuso noong panahon ni dating Pangulong Marcos. Masasabi nga na naging maganda at matagumpay ang kanyang karera sa larangan ng pulisya dahil siya ang unang babae na nagawaran ng ranggo na Director.
NAGHAHANAP LANG siguro ang taong-bayan ng konting pagiging sensitibo sa isyu na ito. Dapat isinaalang-alang ang saloobin ng mga naging biktima ng Martial Law. Paano nga naman mapapalagay ang kanilang loob na mabibigyan sila ng tamang kompensasyon kung ang taong namumuno sa Human Rights Victims Claims Board ay nagmula sa hanay ng kapulisan. Sa hanay ng ahensiya ng gobyerno na itinuturing nila na berdugo. Palaging may pagdududa at takot na nakaamba. Para tayong kumain ng bulalo sa karinderia malapit sa Philippine Orthopedic Center o ng bopis sa restaurant sa tabi ng Lung Center.
Sampal-Tubig
By Atty. Reynold S. Munsayac