TILA IBA ang pinagdaraanan ng Pilipinas mula sa pambu-bully ng bansang China. Kailangang humanap ng masusumbungan ng Pilipinas, dahil ‘di hamak na malaki at malakas ang kapangyarihang militar ng China. Ito ang pangunahing dahilan kung bakit naghanap ng masusumbungan ang ating pamahalaan.
Nais kong dalhin sa konteksto ng pang-unawa at kamalayan ng mga ordinaryong tao ang usapin na ito dahil naniniwala ako na ang bawat isang Pilipino ay bahagi sa pang-aaping ipinamamalas ng China.
ANO BA ang ugat ng tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China? Ang Pilipinas ay hindi nagnanais na harapin ang China sa isang komprontasyon gamit ang ating hukbong sandatahang pangdagat, dahil higit na malakas at makapangyarihan ang China sa aspetong ito.
Kung ang bansang US ang nasa sitwasyon natin, tiyak na hindi sila magdadalawang-isip na harapin ang kapangyarihang militar-pangdagat ng China, dahil sinasabi sa isang pag-aaral na 10 taong “advanced” o nauuna ang teknolohiya ng US dito. Ibig sabihin ay mas malakas at makapangyarihan ang US sa China sa larangan ng military advancement.
Ang usapin ng agawan ng teritoryo ay usapin din ng lakas ng kapangyarihang militar ng isang bansa. Hindi natin maikukumpara at napakalayo pa ng Pilipinas sa kapangyarihang militar ng China at US. Kaya naman, hindi natin nais na harapin ang China sa isang komprontasyong napakalakas nila gaya ng panghukbong dagat. Gumamit tayo ng diplomasya at idinulog ang pangbu-bully ng China sa United Nations (UN).
Nagsumite ng kaso ng pagproprotesta ang Pilipinas noong 2013 sa UN matapos magpalawak ng kapangyarihang militar-pangdagat ang bansang China sa West Philippine Sea, isang taon matapos na kunin nito ang pagkontrol sa Panatag Shoal malapit sa Zambales o kilala rin sa tawag na Scarborough. Simula noon ay patuloy na ang reklamasyon dito at pagpapawa ng mga istraktura na pinaniniwalaang paglalagyan ng naval at military bases ng China.
KAPAG NABABASA natin o naririnig ang salitang “The Hague”, paano ba natin nauunawaan ito?
Ang International Arbitral Tribunal sa Netherlands o tinatawag din na “The Hague” ang itinalaga ng UN para maging tagapamagitan sa mga bansang hindi nagkakaroon ng pagkakaunawaan sa mga polisiya hinggil sa hangganan ng tinatawag na exclusive economic zone na itinalaga ng United Nations Convention on the Law of the Sea o mas kilala sa tawag na UNCLOS.
Halimbawa, itinalaga ng Pamahalaan ng Pilipinas at ng pamahalaang lokal nito ang kawanihan ng barangay bilang isang institusyon na maaaring mamagitan sa mga magkakapit-bahay na hindi nagkakaunawaan sa hangganan ng kanilang bakuran. Ibig sabihin ay nasa lebel ng barangay pa lang ang usapang “The Hague”, kung ikukumpara ito at gagawing simpleng usapin.
Ang pangunahing pinag-uusapan ngayon sa “The Hague” ay kung may jurisdiction ba ang International Arbitral Tribunal sa Netherlands para magdesisyon at magpalinaw sa mga usaping teritoryo sa Scarborough.
Ang Scarborough ay tinatawag ng Pilipinas na Panatag Shoal at pinangalanan naman ng China ito na “Zhongsha Island” bilang bahagi ng tinatawag nilang nine-dash line.
Kung sino ba talaga ang may karapatan sa Scarborough ang sentrong usapin dito. Ngunit ang pangunahing nireresolba sa lebel ng “The Hague” ay kung may karapatan ba na mamagitan o may jurisdiction ba ang International Arbitral Tribunal.
Ang pamahalaan ng China ay tumangging magbigay ng partisipasyon sa “The Hague” at nagbigay ng kanilang argumento na kumukuwestyon sa jurisdiction ng International Arbitral Tribunal sa usaping teritoryo sa pagitan ng China at Pilipinas.
KUNG IBABALIK natin sa konteksto ng barangay ang “The Hague”, lumalabas ngayon na tila ayaw ng isang kapit-bahay na ang barangay ang dapat mamagitan sa kanilang pagtatalo hinggil sa hangganan ng kanilang bakuran.
Para sa China, walang dapat makialam sa usaping teritoryo nila at ng Pilipinas. Sinabi rin ng China na hindi nito gagalangin at kikilalanin ang anumang resulta ng “The Hague”.
Ang nais ng Pilipinas na linawin sa “The Hague”ay kung tama ba ang pag-unawa ng ating pamahalaan sa ilalim ng UNCLOS, na kung tayo ba ang may karapatan sa Scarborough o ‘yung tinatawag nating Panatag Shoal. Ibig sabihin ay ang “The Hague” ay hindi pa usapin talaga ng agawan ng teritoryo, bagkus ay usapin pa lamang ng interpretasyon ng polisiya ng UNCLOS.
Ang China ay bahagi ng mga bansang lumagda at nakiisa noon sa United Nations Convention on the Law of the Sea, kung saan ay isinasaad ang espesyal na karapatan ng isang bansa na may kinalaman sa paglinang ng yamang dagat at iba pang maaaring pagkunan ng natural na yamang matatagpuan sa teritoryong saklaw ng 200 nautical miles mula sa mga baybayin nito.
Ang Pilipinas ay nasasakupan ang Scarborough o Panatag Shoal base sa itinakdang 200 nautical miles. Sa kabila ng polisiyang ito sa ilalim ng UNCLOS, nananatiling kinokontrol ng China ang Scarborough at tinawag nila itong Zhongsha Island. Dahil dito, ang tanging masusumbungan ng Pilipinas mula sa pambu-bully ng China ay ang International Arbitral Tribunal sa Netherlands.
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan at napanonood sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Ang inyong lingkod ay napanonood sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am – 12:00 nn.
Panoorin ang T3: Alliance sa TV5 tuwing Sabado, 4:30 pm.
Shooting Range
Raffy Tulfo