ANG HUSTISYA o katarungan ang isa sa mga sensitibo at masalimuot na diskurso sa mundo ng mga scholars at pilosopiya. Mahirap nga itong unawain dahil maraming pagtingin dito. Nagkakaiba ang mga scholars ng batas at iba pang legal experts sa tunay na anyo nito dahil nag-uugat ang kahulugan nito sa mga nagkakaibang kultura ng tao.
Ngunit nagkakaisa naman ang lahat na dapat makamit ang katarungan dahil ito ang nagpapatibay sa paninindigan at paniniwala ng bawat kasapi ng lipunang kanilang ginagalawan. Kung hindi nakakamit ang katarungan at palagian itong tinatalikuran ng pamahalaan, nagiging sanhi ito ng pagbagsak ng isang pamahalaan at pagkalusaw ng isang bansa.
Nakalulungkot isipin na ang hustisya sa Pilipinas ay sadyang mabagal. Marami ang kinamamatayan na lamang ang kasong kanilang isinampa at hinaharap. Marami kasing balakid sa pagtatapos ng isang kaso at paghahanap ng katotohanan.
Kadalasan ay bigo ang isang mahirap sa paghingi ng katarungan kung mayaman ang kalaban nito. Ang hindi pantay na hustisya sa pagitan ng mayayaman at mahihirap ay isang malinaw na balakid para sa katarungan. Hindi rin patas ang hustisya sa Pilipinas sa pagitan ng ordinaryong tao at may kapangyarihan o maimpluwensya.
Ang pinakanagpapabagal sa proseso ng katarungan sa Pilipinas ay ang makalumang metodo at paraan nito. Habang maraming bansa sa mundo ang kumikilala sa “jury system”, dahil ‘di hamak na mas mabilis ito, ang Pilipinas ay nakapako pa rin sa tradisyunal na metodo, kung saan ay may iisang hukom na magsisiyasat ng katotohanan sa mga ebidensya at nagpapataw ng parusa sa nagkasala.
Sa dami ng krimen at mga kasong isinasampa sa korte, habang kakaunti naman ang mga hukom sa Pilipinas, nagpapatung-patong lamang ang mga kasong hindi natatapos at nababaon lamang sa limot.
HINDI NA nga siguro bago sa mga Pilipino ang mga kuwento ng mga kasong hindi na natapos o nauwi sa wala ang lahat. Halimbawa ay ang kontrobersyal na “Vizconde Massacre”.
Pagkatapos ng halos 20 years na paglilitis ay nakalaya rin ang mga pangunahing suspect sa krimen at ngayon ay wala nang nangyari sa katarungang minimithi ni Lauro Vizconde, ama at asawa ng mga pinaslang na mag-iina. Ang malakas na tugon ni Mang Lauro Vizconde dito ay “walang katarungan sa Pilipinas!”
Nitong nakaraang araw ay ika-6 na taong anibersaryo ng malagim na “Maguindanao Massacre” o mas kilala sa tawag na “Ampatuan Massacre”. Naganap ito noong panahon pa ni dating Pangulong Arroyo at ngayon ay tila matatapos na naman ang termino ng kasalukuyang pangulo ng Pilipinas, wala pa ring naparurusahan sa mga nasasakdal sa kaso. Marami pa rin ang mga kasamang suspect na nakalalaya at namumuhay nang normal.
Wala na nga yatang katarungan talaga sa Pilipinas. Maraming mga mamahayag ang biktima ng massacre na ito. Mahigit sa 30 journalists ang walang awang binaril nang malapitan at hindi bababa sa 20 ang mga babae, buntis, at mga bata ang kasamang inilibing nang buhay. Malalakas ang loob ng gumawa nito at natitiyak kong masahol pa sa demonyo ang budhi nila. Nasaan na ang pangako ni PNoy na matatapos ang kaso sa kanyang termino?
LAHAT NA ng ebidensiyang mahalaga at matibay ay nakuha na ng National Bureau of Investigation (NBI), para sa kaso laban sa mga nasasakdal. Ngunit sa kabila nito ay napakabagal pa rin ng usad ng katarungan. Hindi rin naman nagkukulang ang media na mangalampag dahil marami sa biktima ay mga mamamahayag na ginampanan lamang ang kanilang tungkulin.
Napakabrutal ng paraan ng pagpatay. Ipinakikita lamang dito kung gaano kataas ang tingin ng mga gumawa nito sa kanilang mga sarili. Tila nga nag-aastang mga Diyos ang may gawa dahil wala silang takot at pakialam sa pamahalaan, batas, at hustisya. Ngunit sa kabila ng lahat ng ito ay wala pa ring nagagawa ang hudikatura kundi maghintay sa mabagal na proseso ng kanilang hustisya. Kailangan pa yatang mamatay lahat ng akusado sa katandaan at pati na rin ang mga pamilya at kaanak ng mga biktima.
Anong ebidensiya pa ba ang kailangan? Bakit napakatagal? Kailangan ba talagang maghintay nang mahigit 6 na taon para makamit ang katarungan dito? Baka naman nababayaran na ang korte at hukom na may hawak ng kaso para patagalin lang at makahanap ng tiyempo.
Malaki at kontrobersyal ang kasong ito, ngunit tila hindi nila kayang tutukan ang takbo ng kaso. Nagpapatagal o delaying tactics ang maliwanag na ginagawa ng mga nasasakdal sa kaso. Palibhasa’y alam na alam na nila ang takbo ng mabagal na hustisya sa bansa at umaasa sila na darating ang panahon na mamamatay na lang ang mga saksi at kasong ito.
MAKALUMA AT mabagal ang sistema ng hudikatura sa bansa. Hindi rin kaila sa atin na maraming mga hukom ang nababayaran at pera-pera lang ang usapan. Para sa mga mayayaman at makapangyarihan ay napakadaling bilhin at tapatan ng pera ang isang hukom na may hawak ng kaso. Kung ang pera mo sa bangko ay daang milyong, walang kuwenta sa ‘yo ang mamuhunan ng P50 milyon para sa kalayaan mo. Ito ang kalakaran ng katarungan sa bansa.
Panahon na upang baguhin ang sistema at subukan ang “jury system ”gaya ng sa America. Mas mabilis ito at kung tatangkaing magsuhol o gumamit ng pera ang isang nasasakdal ay tiyak na mahihirapan siya dahil marami at hindi iisa ang maninimbang sa kaso. Makatitiyak din tayo na sa grupo ng mga jury na ito ay may isa o dalawang tunay na papanig sa katotohanan at hindi mabibili ng salapi ang pagkatao.
Ito rin ay isang magandang isyung dapat pag-usapan o maging bahagi ng plataporma ng isang nagmimithing maging congressman, senator, o presidente ng Pilipinas.
Makinig at manood ng Wanted Sa Radyo 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay naka-simulcast din sa 101.9 FM sa Cebu at Davao. Sa Cagayan de Oro ito ay kasabay na napakikinggan din sa 101.5 FM at sa 97.5 FM naman sa General Santos City. Samantalang sa Bacolod City naman ay sa 102.3 FM.
Ang inyong lingkod ay mapanonood din sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.
Mapanonood din ang inyong lingkod sa T3: Alliance sa TV5 tuwing Linggo, 1:30 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6833.
Shooting Range
Raffy Tulfo