KATULAD NG inaasahan ng lahat na baka mauwi na naman ang isang high profile na akusado sa hospital arrest gaya ng mga naunang mga high profile personalities na naaresto rin.
Ang inaakusahang utak ng P10 billion pork barrel scam na nakakulong ngayon sa Fort Sto. Domingo sa Laguna ay nakaranas umano ng pamamanhid ng braso, batok at matinding sakit ng ulo sa ikalawang araw nito sa kanyang piitan.
Nagkaroon ito ng hypertension attack ayon sa PNP Public Information Office Chief na si Senior Superintendent Reuben Theodore Sindac. Ang blood pressure niya ay tumaas ng 200/130 noong Martes ng madaling-araw.
Ngunit pagkatapos nitong mainom ang kanyang gamot sa high blood ay bumalik rin sa normal ang blood pressure ni Napoles. Ngayon ay mahigpit na binabantayan ang kanyang kalusugan at kalagayan sa puso.
SIMULA NANG mapiit si Napoles sa Fort Sto. Domingo, mahigpit na ang ginagawang pagbabantay sa kanya dahil sa mga nababalitang banta sa kanyang buhay. Sa katunayan, nagtalaga rin si Sindac ng dalawang Special Action Force para bantayan ang pagkain na ibinibigay kay Napoles dahil sa posibleng paglagay ng lason dito.
Sinabi naman ni DILG Secretary Mar Roxas na parehong pagkain ang ibinibigay kay Napoles at kinakain ng mga trainee sa Fort Sto. Domingo. Tinitiyak daw niyang walang special treatment kay Napoles ngunit kailangan din nilang siguraduhin ang kaligtasan nito.
Dahil sa pangyayari sa kalusugan ni Napoles, inaasahan ng PNP na dadalaw ang abogado nito para kumustahin siya at inaasahan din na hihingi sila ng hospital arrest gaya ng ginawa nina dating Pangulong Joseph Estrada at Gloria Macapagal-Arroyo.
SADYANG NAPAKAHIRAP bantayan ang isang high profile na akusado. Bukod sa madalas na maselang kalagayan nila sa kalusugan ay nanganganib din sila dahil sa mga pagbabanta sa buhay.
Gasgas man o bulok na style kung tawagin ang paghingi ng hospital arrest, ito ay karapatan ng kahit sinong akusado, mayaman man ito o mahirap. Ito ay ginagarantiya sa bawat Pilipino ng ating Saligang Batas.
Kaya lang, dapat ay makatotohanan ito. Hindi dapat inaabuso ang karapatang magpa-hospital arrest. Kailangan ay mapagkakatiwalaan ang mga doctor na susuri sa akusado. Kung lalabas sa pagsusuri na may tunay na banta sa kalusugan nito, dapat siyang bigyan ng hospital arrest.
Hindi rin natin masisisi ang gobyerno o mga tao na isiping palabas na naman ang pagkakasakit ni Napoles. Marami na kasing mga high profile na akusado na nasangkot sa ganitong anomalya na nagtago sa kumot ng ospital at pagkakasakit.
ANG INYONG lingkod ay napakikinggan sa Wanted Sa Radyo sa 92.3 FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay naka-simulcast din sa 101.9 FM sa Cebu at Davao. Sa Cagayan de Oro, ito ay kasabay na napakikinggan din sa 101.5 FM at sa 97.5 FM naman sa General Santos City. Samantalang sa Bacolod City naman ay sa 102.3 FM. Ang WSR ay kasabay na napanonood din sa Aksyon TV Channel 41.
Napanonood din ang inyong lingkod sa T3 Reload sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 5:30-6:00 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at sa 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo