TILA SUNUD-SUNOD ang kamalasan ng pamunuan ng MRT dahil sa sunud-sunod na aberya ng mga tren nito. Hindi pa man gumagaling sa pagkakapilay ang marami sa mga naaksidente sa “nag-over the bakod” na tren ng MRT ay kabit-kabit na ang insidente ng pagkasira at pagkaantala ng mga biyahe nito. Nitong nakaraang araw ay tumirik na naman ang mga bagon nito dahil sa kawalan umano ng komunikasyon ng mga driver at controllers.
Malas nga lang ba o bulok na talaga ang mga tren ng MRT? Ang tingin nga ng marami ay hindi lang ang mga tren ng MRT ang bulok kundi pati na rin ang tagapamahala nito. Maraming mga aspeto ang tinitingnan ngayon ng pamahalaan kung bakit nagkakaganito ang serbisyo na ibinibigay ng MRT sa mga tao.
Sa artikulong ito ay pag-uusapan natin ang mga salik ng pagiging bulok ng serbisyong inihahatid ng MRT sa publiko. Ganoon din ay babalangkasin natin kung ano ang mga seryosong epekto nito sa ating ekonomiya. Sa huli ay susubukan nating magbigay ng ilang mungkahi na maaaring makatulong sa pagdadala ng mahusay na serbisyo sa taong-bayan.
KUNG TUTUUSIN ay mas luma pa nga ang LRT kumpara sa MRT. Ngunit ‘di hamak na mainam ang serbisyong inihahatid ng LRT. Ang sinasabi ng mga nangangalaga sa LRT ay bukod sa pagpapanatili ng mga bagon nila sa magandang kondisyon ay makailang ulit na rin silang nakabili ng mga bagong tren. Ang MRT ay hindi pa bumibili ng bagong tren simula nang magbukas ang kanilang operasyon.
Kapansin-pansin ang pagiging luma at makitid ng mga bagon ng MRT. Mainit din ito at tiyak na maliligo ka sa pawis pagkatapos mong makipagsiksikan dito. Ang dapat na kalkuladong biyahe rito na 20 minuto lamang mula North station hanggang Ayala station ay umaabot na ng 30-45 na minuto dahil sa malimit na paghintu-hinto nito nang mas matagal dahil sa madalas na pagtirik ng mga bagon.
Kung mamalasin ay tuluyan nang hindi aandar ang mga tren kaya’t kinakailangang bumaba na ang mga pasahero, mag-refund ng mga ticket at maghanap ng bagong masasakyan. Perhuwisyong totoo ang hatid ng MRT sa mga mamamayang araw-araw ay nakadepende sa MRT ang pagpasok sa kani-kanilang trabaho at paaralan.
ANG PAGKAANTALA ng mga manggagawang Pilipino sa mga biyahe ng MRT ay kagaya at katumbas din ng sa malalang traffic sa Metro Manila, ay may parehong salik na batayang ginagamit ng mga ekonomista upang kalkulahin ang isang pagkalugi batay sa mga pagkakataong dapat kumita ang isang tao at kumpanya ngunit nawala ang pagkakataong ito dahil naantala sa trabaho ang isang manggagawa .
Nangangahulugang apektado nang malaki ang ekonomiya ng ating bansa sa bulok na serbisyong ito ng MRT. Dumaragdag ito sa pagbagal ng paglago ng ating ekonomiya at sa pag-unlad din ng bawat mamamayan. Kung iisipin mo ay kung ilang mga business proposal ang hindi natuloy, ilang bentahan ng kalakal sana ang nauwi sa wala, pagkatanggap sa trabahong nabinbin at marami pang pagkakataong kumita sana ang pobreng manggagawa ngunit nalusaw ang lahat dahil lamang sa isang bulok na sistema at pamunuan ng MRT ang hindi gumawa nang maayos na trabaho.
Marahil ay hindi ito iniisip at binibigyang-pansin ng mga taong nailagay sa posisyon ni PNoy kaya’t paminsang sinabi ng isang kalihim ni PNoy na maghanap na lang ng ibang masasakyan ang mga taong ayaw magtiis sa serbisyong hatid ng MRT. Isang bagay na nagpapakita ng kawalang-pagpapahalaga sa kapakanan ng mamamayang Pilipino.
ANG MGA tren sa ibang bansa gaya ng sa Hong Kong at Singapore ay mas luma pa nga kung ikukumpara sa sa mga tren natin at ng ibang bansa ngunit ito ang pinakamaganda sa buong mundo. Kaya wala sa edad ng MRT ang problema. Ang problema ay nasa pamunuang nagpapatakbo nito. Maliwanag na nagpapabaya at hindi mahusay ang pagpapatakbo ng administrasyon ng MRT.
Bakit kailangang ang mga mamamayang nagbabayad ng buwis ang magdusa sa kapalpakang ito ng pamunuan ng MRT? Talaga bang kailangan na lang laging magtiis ang mga mamamayan na boss ni PNoy? Sa isang pribadong opisina ay agarang pinapalitan ang empleyadong hindi nagpapakita ng husay sa kanyang trabaho. Lalo’t kung sunud-sunod ang kapalpakan nito ay hindi na pinagtitiisan ng mga boss dahil nasasayang lang ang pinasusuweldo sa kanila.
Kung ganoon ay tukoy na natin ang unang hakbang ng pagsasaayos ng MRT at ito’y palitan ang pamunuang nangangasiwa rito. Maraming mahuhusay na Pilipinong kayang-kaya ang pagpapatakbo ng MRT na world class ang kalidad. Marami sa kanila ay kinukuha ng mga bansang gaya ng Hong Kong at Singapore para patakbuhin ang mga tren sa kanilang bansa sa kalidad na pang-world class.
ANG ISANG maayos at magandang serbisyo sa pampublikong transportasyon ang pinakamahalagang aspeto na tinitingnan at pinagbabasehan kung maunlad ang isang bansa. Mukhang taliwas at malayo ang Pilipinas sa pagkakaroon ng ganitong batayang aspeto ng kaunlaran.
Isang mahusay na paraang administratibo ang kailangan para magkaroon ng ganito at mukhang nagkukulang dito ang pamahalaan ni Pangulong Aquino. Kaya dapat ay isang mahusay na economic manager ang mailuklok sa darating na 2016 Presidential Elections para makatikim naman ng kaginhawaan ang ating mga kababayan at hindi na kailangang magtiis sa isang bulok na tren at bulok na serbisyo.
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan sa 92.3 FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo