MALAKING BAGAY nga ba ang pagbaba ng “satisfactory rating” ng Pangulo?
Iba-iba ang pananaw ng mga tao sa isyu na ito. Gayun din ang mga pulitiko. Ngunit marami sa mga senador ang naniniwalang mataas pa rin ang ratings ng Pangulo kahit bahagya itong bumaba. Ang iba ay nagsasabing kaya pa itong maitaas muli ni PNoy basta masiguradong may pananagutan ang gobyerno sa pork barrel scam.
Ang mga senador na kaalyado ni PNoy ay naniniwalang makababawi ang Pangulo sa pagbababa ng rating nito base sa isinagawang survey sa trust rating ng Pangulo ng Social Weather Station at Pulse Asia.
Sa tingin ni Senate President Franklin Drilon ay mga pagtingin lamang ito sa kasalukuyan na naapektuhan ng mga isyu ng korapsyon sa pork barrel. Hindi umano madali ang mga reporma na ipinatutupad ng Pangulo.
Ganito rin halos ang pananaw nina Senator Ralph Recto, Vicente Sotto III at Sonny Angara. Ngunit para kay Senator Antonio Trillanes IV, ito ay isang malaking hamon sa Pangulo. Dapat umanong siguraduhin ng Pangulo na mananagot ang mga may sala sa malaking nakawang ito sa pork barrel.
Hinamon din ni opposition Senator JV Ejercito ang Pangulo kung may kakayahan itong maipakulong ang mga sangkot sa anomalyang Priority Development and Assistance Fund (PDAF) at ang Disbursement Acceleration Program (DAP). Ito lang umano ang susi para maibalik ang nawalang tiwala ng taong bayan kay Aquino.
ANG ESTADO ng “satisfactory rating” ng Pangulo ay walang diretsahang kinalaman sa ekonomiya ng bansa. Kaya kung tatanungin kung may malaking bagay ba ito sa buhay ng mga ordinaryong Pilipino, walang gaanong importansya ito.
Ngunit malaki ang kinalaman nito sa usaping pulitika sa bansa. Ang pagiging popular ng isang pangulo ang siyang kadalasang basehan ng mga nahahalal sa puwesto sa pulitika.
Kung tutuusin ito ay pinakamahalaga para sa mga kaalyado ng pangulo sapagkat sila ang unang nakikinabang sa mataas na “trust” o “performance” ratings ng pangulo. Ang pangulo ay mananatiling nasa puwesto maging mababa man o mataas ang ratings niya.
Katulad halimbawa na lang ng nakaraang administrasyon ni dating Pangulong Gloria Arroyo. Sa kaso ni Arroyo ay hindi lang mababa kundi laging “negative” ang ratings na nakuha niya sa loob ng siyam na taong panunungkulan bilang pangulo.
Hindi gaya ng mga kaalyado ng isang pangulo na ang muling pagkakaluklok sa kanila sa puwesto ay nakasalalay rin kung sila ay nakikitang kabahagi ng isang matino at matapat na administrasyon at pangulo ng bansa.
Kung palpak ang Pangulo at negatibo ang kanyang “trust” o “performance” ratings, malamang na ang mga kaalyado nito ay hindi na manalo sa mga darating na eleksyon.
ANG PINAKAMAHALAGA para sa akin ay dapat patuloy na maging mapagbantay ang mga tao sa Pangulo at mga pulitikong nasa gobyerno ngayon.
Ang pagbaba ng rating ng Pangulo ay indikasyon ng pagkadismaya ng tao at pagpapaalala sa mga nasa kapangyarihan na hindi tayo natutulog at patuloy tayong nagbabantay sa kanila.
Ipinahihiwatig natin na nasa atin ang kapangyarihan para sila ay magpatuloy na maglingkod sa atin o ‘di kaya’y kaya natin silang sibakin sa trabaho dahil tayong mga mamamayan ang tunay na boss nila!
Ang inyong lingkod ay napakikinggan at napanonood sa programang Wanted Sa Radyo sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Ang inyong lingkod ay napanonood din sa T3 Reload sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 5:30-6:00 pm at sa Aksyon Weekend News tuwing Sabado, 5:30 pm.
Shooting Range
Raffy Tulfo