NARITO ANG ilan lamang sa mga sumbong na ipinadala sa pamamagitan ng aming texthotlines na 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Sana po ay matugunan ninyo ang aming hinaing para sa mga estudyanteng dumaraan sa baha rito sa Brgy. Tubaon, Virac, Catanduanes. Bumabaha po dahil sa hinarangan ang imburnal na daanan ng tubig. Wala namang aksyon na ginagawa ang kapitan ng barangay kapag nagrereklamo kami.
Dito po sa Santolan High School sa Santolan, Pasig City ay pinagbabayad ang mga bata taun-taon ng P200.00 at kapag hindi nakabayad ay hindi ibinibigay ang report card ng bata.
Hihingi po ako ng tulong dahil dito sa President Manuel Roxas Central Elementary School ay grabe kung maningil ng home room, P400.00 bawat estudyante bukod pa sa monthly dues na P52.00. Matagal na po naming problema ito dahil kung magrereklamo kami sa school ay ang anak namin ang mapag-iinitan. Karamihan po sa amin ay pagsasaka ng palay ang inaasahan kaya’t napakabigat po sa amin ng maraming gastusin na pinababayaran sa school na alam naman nating may budget dapat ang DepEd para roon.
Isusumbong ko lang po na sa Sta. Margarita East Elementary School sa Baggao, Cagayan ay maraming sinisingil sa mga estudyante tulad ng mga sumusunod: PTA – P200.00, Red Cross – P15.00, Boy Scout – P10.00. Tapos may project pa na semento, inidoro, at pintura na pampagawa raw ng comfort room. Kung hindi raw kami makapagbabayad ay hindi ibibigay ang card ng mga bata.
Concerned parent po ako rito sa Boys Town sa Marikina. Reklamo ko lang po ang panghihingi ng school ng P225.00 bawat estudyante para pambili raw ng electric fan.
Gusto po naming ireklamo ang Sta. Cruz Elementary School sa Cogeo, Antipolo kasi every year kahit ano na lang ang pinapa-project sa estudyante. Mayroong flat screen TV, water dispenser, electric fan, at iba pa.
Ire-report ko lang po iyong isang bus company along EDSA-Kamuning dahil ginagawang parking area ang sidewalk kaya iyong mga pedestrian ay sa kalye na ng EDSA naglalakad. Sana po ay makalampag n’yo ang kinauukulan para maaksyunan ito. Salamat po.
Reklamo ko lang po iyong dami ng aso na nagkalat sa kalye rito sa BF Resort Village sa Las Piñas. Pagdating ng 9:00 pm ay nagkalat na sa kalye iyong mga aso lalo na sa ilalim ng overpass.
Irereklamo ko lang po sana iyong laging nagsusunog ng goma o tsinelas sa lugar namin dito sa Dela Paz, Biñan, Laguna. Hindi naman umaaksyon ang barangay sa sumbong namin. Sana ay matulungan n’yo kami, kasi masakit po sa dibdib ang usok na nanggagaling doon at baka rin po magkasakit ang mga bata.
Makinig at manood ng Wanted Sa Radyo 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay naka-simulcast din sa 101.9 FM sa Cebu at Davao. Sa Cagayan de Oro ito ay kasabay na napakikinggan din sa 101.5 FM at sa 97.5 FM naman sa General Santos City. Samantalang sa Bacolod City naman ay sa 102.3 FM.
Ang inyong lingkod ay mapanonood din sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 12:00 nn.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6833.
Shooting Range
Raffy Tulfo