SINO BA NAMAN ang mag-aakala na ang Department Circular No. 41 na ipinalabas ng Department of Justice noong panahon ng administrasyong Gloria Macapagal Arroyo na inilalagay sa watch list order at hold departure order ang mga taong kinakasuhan pa lang ay magagamit ngayon ng administrasyong Aquino laban mismo kay dating pangulong Arroyo?
Isa pa ring kabaligtarang nangyari sa buhay ng mga Arroyo ay kung dati’y ipinakulong ni Gloria si ex-president Erap Estrada pagkatapos niyang mapatalsik ito sa puwesto sa kasong Plunder – isang non-bailable crime – ngayon, pagkatapos niyang bumaba sa puwesto bilang pangulo, siya ay nahaharap sa kasong Electoral Sabotage na isa ring non-bailable crime.
Noong nasa tugatog ng kapangyarihan ang mga Arroyo, isa ako sa mga taong biktima ng pangbu-bully ni Mike Arroyo at nasampahan ng kaliwa’t kanang kaso. Nang mga panahong iyon ang mabait at matalik kong kaibigan na si Atty. Ferdie Topacio ang siyang nagsilbing taga-depensa ng karamihan sa aking mga kaso at tagapagsalita ko na rin.
Ngayon, kinuha ni Mike Arroyo si Ferdie bilang tagapagsalita at tagadepensa niya. Ang pinagkaiba nga lang namin ni Arroyo ay pro bono o libre ang pagbibigay ni Ferdie ng serbisyo sa aking mga kaso noon. Kumpara sa kanya ngayon na malamang ay gumastos ng limpak-limpak na salapi para sa attorney’s fee ni Ferdie dahilan para ipusta ng matalik kong kaibigan ang kanyang yagbols para kay Mike Arroyo.
Ngayon na nakapagpalabas na ng Warrant of Arrest laban kay GMA ang isang korte sa Pasay para sa kasong Electoral Sabotage, dapat magsitigil na ang mga taong pilit na ipinaglalaban pa rin ang karapatan ni GMA na makapagpagamot sa abroad.
Mapalad pa rin si GMA na nakakapagpagamot sa sikat at mamahaling pribadong ospital tulad ng St. Luke’s para sa kanyang karamdaman, samantalang sandamakmak sa mga kapus-palad nating mga kababayan na ni simpleng gamot para sa kanilang maintenance upang madugtungan pa sana ng kahit konting panahon ang kanilang buhay sa mundong ito ay walang pambili. At dahil dito, marami sa kanila ay idinadaan na lang sa dasal ang kanilang karamdaman at umaasa na lamang ng milagro.
Kaya roon sa mga naawa sa kalagayan ni GMA, dapat sigurong mas maawa sila sa mga milyung-milyong mga mahihirap nating mamamayan na namamatay nang wala pa dapat sa oras nang dahil lamang sa sila ay walang kakayahang magpagamot sa isang maayos man lang na pagamutan o pambili man lang ng simpleng antibiotic para sa kanilang malubhang karamdaman.
Isa ako sa nagdarasal at humahangad na sana ay magamot ang karamdaman ni GMA at siya ay gumaling agad. Ang payo ko sa kampo ni GMA ay ipagbawal ang telebisyon, radyo at dyaryo sa dating pangulo para ‘di lumala ang kanyang karamdaman sanhi ng stress dahil sa mga lumalabas na negatibong balita laban sa kanya na labis na nakakasakit.
Ito rin kasi ang ginawa namin sa aming Mommy Caring na nagkaroon ng malubhang karamdaman matapos niyang mapanood at mabasa ang sunud-sunod na mga negatibong balita laban sa aming mga kapatid noon dahil sa pangbu-bully ni Mike Arroyo.
Ang inyong lingkod ay mapapakinggan sa programang WANTED SA RADYO sa 92.3FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2-4 p.m. Ito ay simulcast na mapapanood din sa free Channel 41, AKSYON TV.
Shooting Range
Raffy Tulfo