Dear Atty. Acosta,
NAKAKULONG PO ang aking asawa dahil sa kasong paglabag daw sa “Anti-Fencing”. Hindi po namin maintindihan kung ano ang nagawa niyang mali. Ang nangyari po kasi ay ipinagbili raw ng kaibigan niya ang isang papel de ahensya. Nang tubusin ng asawa ko ang alahas na nakasangla ay hinuli siya ng ilang mga pulis dahil sa nakaw raw ang nasabing alahas. Dapat po ba talaga siyang makulong? Wala naman pong kasalanan ang asawa ko. Sana ay mabigyan po ninyo kami ng payo.
Umaasa,
Yolly
Dear Yolly,
ANG ISA sa mga dahilan ng pagsasabatas ng Presidential Decree No. 1612 o ang “Anti-Fencing Law” ay sapagkat laganap ang pagnanakaw sa ating lipunan. Ang batas ay naglalayong mabigyan ng proteksyon ang mga lehitimong may-ari ng mga bagay o gamit upang hindi sila maging biktima ng nasabing krimen.
Ayon sa iyong sulat, dinakip ang iyong asawa dahil sa umano’y paglabag sa probisyon ng P.D. No. 1612, nang tubusin niya ang nakasanglang alahas gamit ang papel de ahensya na binili niya mula sa kanyang kaibigan. Sa pangkalahatang aspeto, hindi ipinagbabawal sa ating batas ang pagbili ng papel de ahensya. Nagiging paglabag lamang ito kung ang nagbenta o bumili ay mayroong intensyon na makinabang sa bagay na tinutukoy sa nabanggit na dokumento at alam ng taong nagbenta o bumili, o mayroon siyang sapat na kakayahang malaman, na iyon ay isang ninakaw na gamit. Alinsunod sa Section 2 ng P.D. No. 1612, “(a) “Fencing” is the act of any person who, with intent to gain for himself or for another, shall buy, receive, possess, keep, acquire, conceal, sell or dispose of, or shall buy and sell, or in any other manner deal in any article, item, object or anything of value which he knows, or should be known to him, to have been derived from the proceeds of the crime of robbery or theft.”
Kung totoong ninakaw nga ang alahas na tinutukoy sa papel de ahensya na binili ng iyong asawa at mapatunayang mayroon siyang intensyon na makinabang dito ay maaaring saklaw ng batas ang ginawa ng iyong asawa. Ngunit, kailangan na mapatunayan ang bawat elemento ng nasabing batas upang siya ay maparusahan. Sapagkat ito ay sakop ng ating batas kriminal, kailangan na magbigay ng proof beyond reasonable doubt ang prosecutor upang mahatulan ang iyong asawa ng pagkakakulong. Kung hindi mapapatunayan ang bawat isa sa mga elemento ng krimen na saklaw ng batas na ito ay maaari siyang mapawalang-sala sa nasabing krimen. Kung kaya’t huwag kayong mawawalan ng pag-asa at ipagpatuloy ninyo ang laban upang hindi maparusahan ang iyong asawa at malinis niya ang kanyang pangalan.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta