MALAKING KAPALPAKAN ang mga naging kaganapan sa Bureau of Customs (BoC) magmula nang maitalaga si dating AFP Chief General Jessie Dellosa bilang Deputy Commissioner ng Intelligence and Enforcement Group dito at magbitbit siya ng kanyang mga tauhang sundalo para magtrabaho sa bureau.
Sa simula, tila naging maganda ang takbo ng pamamahala ni Dellosa dahil naghigpit siya at pinag-a-alert nila ang mga kargamentong pinaghihinalaang naglalaman ng mga kontrabando at smuggled goods.
Pero dahil walang karanasan sa pambubuwis at kaalaman ang mga sundalo sa Tariff and Customs Duties, ‘di naglaon, halos lahat ng pumapasok na kargamento – pati na ang mga kargamentong diretso – ay pinag-a-alert ng kanyang grupo.
Nag-animo’y martial law sa mga pier ng Customs. Nagtambakan ang mga container dito na mga na-alert at maraming mga “player” a.k.a. importer/broker ang natakot at nag-laylow. Ngunit ang pambungad na pagpapakitang-gilas nila ay tila pagpapakilala lamang pala dahil matapos noon isa sa kanyang mga bataan ang nangolekta agad ng tara.
Ilan sa mga na-alert na kargamento ang dahan-dahang pinakawalan – mga kargamento ng mga malalaki at sikat na player. Hanggang sa uminit ang tsismis sa loob ng Customs na isang Captain Jayson Aquino ang siyang nangongolekta umano ng tara para kay Dellosa. Dahil dito, napilitan umano si Dellosa na tanggalin si Aquino.
Pero kamakailan lang, may umuugong na namang tsismis na si Aquino ay ‘di naman daw talaga tinanggal kundi pansamantala lang pinagpalamig at ngayon ay muling ibinalik umano.
SA KASALUKUYAN, isang libong containers ang nakatengga ngayon sa mga pier ng Customs. Ito ang mga container na na-alert at nag-aantay pang mabuksan. Ngunit ayon sa ilang Customs insiders, marami sa mga container na ito ay nag-aantay lang na matubos ng mga nagmamay-ari rito para sa isang “magandang kasunduan”.
Katunayan, mahigit isang daan na mga container na na-alert ng mga tauhan ni Dellosa ang nauna nang napakawalan umano dahil sa “magandang kasunduan”.
May ilang players umano ang personal na nakipag-usap kay Dellosa para magreklamo at magpatulong na rin. At ilan sa mga ito ay napaunlakan umano.
Sa ngayon, bagama’t sinasabi ni Dellosa na mahigpit ang kanyang tagubilin sa kanyang mga tauhan tungkol sa “no take policy” stand ng tanggapan niya, may iilan-ilan dito ang sumusuway pa rin. Ang mga taong ito ay nagkanya-kanyang mag-alaga ng mga smuggler nang pailalim.
Ang hindi alam ni Dellosa, ang kanyang mga sundalo ay hindi santo at tao lamang sila na kaya ring silawin ng salapi lalo pa kung ang pinag-uusapan ay limpak-limpak na pera.
Ang pinapuputok ngayon sa Customs ay mahigpit ang grupo ni Dellosa sa lahat ng players, pero ang totoo, ang mga malalaki at sikat ay nabibigyan ng konsiderasyon. Pinapuputok na ina-alert din ang mga kargamento nito, pero pagkatapos ay pinakakawalan din. Ngunit ang mga kargamento ng maliliit na kung tawagin ay mga guerilla ang siyang ginagamit na trophy.
Nitong ilang mga nagdaang araw, kapansin-pansin ang pagluluwag sa pag-alert ng mga kargamento ng grupo ni Dellosa.
Dalawa ang nakitang dahilan para rito ng isang reliable source. Una, nararamdaman daw ni Dellosa na may mga pagkakamali sila sa kanilang pinaggagawang indiscriminate alert dahilan para ang grupo niya ay mabatikos sa media. At pangalawa, sapagkat tapos na ang kanilang pagpapakilala at sila ay “kinikilala” na.
ISA PANG kapalpakan sa BoC ay ang pakikialam ni Finance Secretary Cesar Purisima sa pagpapatakbo ng bureau. Pinagtatanggal ni Purisima ang mga kawani ng BoC na may hawak ng mga key and sensitive positions at pinaglalagay niya rito bilang mga kapalit ay ang kanyang mga bata-sarado. Halos lahat sa mga ito ay mga dating militar. Si Dellosa umano ay isang halimbawa ng bata-sarado ni Purisima.
May iilan-ilang key positions ang hindi nga nakayang pakialaman ni Purisima dahil rekta sa Malacañang ang mga taong nakaupo rito, pero ipinasok naman niya rito ang kanyang mga tauhan.
Sa madaling salita, ang lahat ng departamento sa Customs ay may mga nakatalagang bata-sarado ni Purisima maliban lang sa Office of the Commissioner. Kaya bagay na palitan na lang ang pangalan ng BoC at gawin itong BoP – Bureau of Purisima!
Shooting Range
Raffy Tulfo