KUWENTUHAN KO KAYO ng isang nakakatawa. Dahil kaming limang magkakaibigan sa kolehiyo – circa 60s – ay laging ‘alang-‘ala, pagkalabas sa gabing eskuwela, tambay sa tabi-tabi, inom ng ilang boteng gin na ang pulutan ay sipol, at ‘pag senglot na, sakay jeep patungo Sta. Cruz, Manila. Doon sa nakahanay na funeral parlors. Tinataon naming magsisilbi ng pagkain sa mga nakikiramay. Konting kunwaring dasal at iyak. At sugod mga kapatid sa hatsitan.
Siste, isang umuulan na gabi, nabuko kami ng may-ari ng isang funeral parlor. Gabi-gabi ba kayong namamatayan? Maaskad na tanong. Lagot. Iskyerda kami. ‘Di na bumalik.
Naalala ko ito dahil ang paksa ko ngayon ay tungkol sa burol. Lahat ay hahantong dito. Cremation man o libing-lupa.
Buhay ay para lang haplos ng dumadaang hangin. O isang binubugang usok ng sigarilyo. Sandaling-sandali lang. Tapos, tapos. Nalimot na ng mundo.
Sa mga gumon sa mundong salapi at kapangyarihan, ang burol ay malagim at kinatatakutan. Sa mga maka-Diyos, makatao, at mababait na tapos nang maglakbay, ang burol ay inaasam-asam.
Ang maitim na kalawit ay dumarating sa ‘di nating inaasahang segundo, oras, o araw.
Walang pasubali. Matanda, paslit, mahirap, at mayaman. Ang burol ay dapat laging isa-isip. Laging paghandaan.
Ewan kung naroon pa ang nabanggit kong funeral parlor. Ayaw ko nang isipin. Baka doon pa ako maiburol at matandaan ako ng may-ari. Kung mangyayari ito, dobol patay ako.
EWAN KUNG BAKIT ang ilang mayayamang tao ay kapit-tuko sa kanilang mga hacienda. Nabanggit ko ito sapagkat naalala ko ang nag-iinit pang issue ng Hacienda Luisita. Libu-libong mahihirap na manggagawa ang patuloy na pinaglalaban ang kanilang karapatan sa pag-aari ng lupa laban sa mga manhid na hasiyendero.
Kung tutuusin, ang Diyos ang nagbigay ng lahat ng kayamanan at resources sa mundo para paghatian at pagsaluhan ng lahat. Pantay-pantay. Walang lamangan. Subalit simula ‘ata na ang panahon ay naging panahon, ang labanan sa pag-aari ng lupa ay problema ng tao sa mundo.
Ang mga hasiyendero ba lang ang anak ng Diyos? Sila lang ba ang may karapatan na mabuhay nang busog at dilat? ‘Di ba mahigit na isang daang taong pinakikinabangan nila ang kanilang mga hacienda at dapat naman pagkaraan ng panahong ‘yan, iparte na nila ang kaukulan sa magbubukid na anak ng mga anak ay naglilingkod sa kanila?
May isang salita na maitatawag sa kanila: sakim. Kasakimang sagad sa buto.
Quips of the Week
Tanong: “May satanas ba sa lupa?”
Sagot: “Pumunta ka sa mansion ng mga haciendas.”
PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez