HINDI lang sa mga sinehan naging blockbuster ang pelikulang Hello, Love, Goodbye nina Alden Richards at Kathryn Bernardo. Naging instant hit din ito sa ilang bus terminal sa Metro Manila.
Kaya naman nitong Miyerkules ay ginalugad ng mga awtoridad ang ilang bus terminal na nagpapalabas ng pirated copy ng Hello, Love, Goodbye.
Ayon sa report ng ABS-CBN News sa kanilang Twitter, nakatanggap ng tip ang Optical Media Board (OMB) na ipinapalabas ang KathDen romcom sa Paranaque Intrgrated Terminal Exchange.
Sasampahan ng kasong violation ng Optical Media Act ang Metro Manila Bus Co. at Saulog Transit dahil sa pagpapapalabas ng piniratang kopya ng HLG.
Sa naturang raid ay kinumpiska din ng mga awtoridad ang ilang USB flash drives na naglalaman ng pirated copy ng peikula. Kapag napatunayang guilty, parurusahan sila ng hanggang anim na taon na pagkabilanggo at multa na hindi bababa ng P1.5M.
Pinaalalahanan naman ng OMB ang publiko na krimen ang pagda-download o pamimirata ng mga pelikula at may karampatang parusa sa mga gagawa nito.
Samantala, malapit nang malampasan ng Hello, Love, Goodbye ang kinita ng The Hows Of Us nina Kathryn at Daniel Padilla. Konting panahon na lang din at aabot na sa P1 billion ang gross ng pelikula.
La Boka
by Leo Bukas