Bus tagging at jueteng ni Aging

UMALMA ANG GRUPO ng mga bus operator sa Metro Manila sa ipatutupad ng Metro Manila Development Authority MMDA na “bus tagging”.

Ito, parekoy, ang pagmamarka ng malalaking titik ng “plate number” sa tagiliran at bubungan ng bawat bus.

Idinisenyo ito ng MMDA dahil sa ulat na napakara-ming bus operator sa Metro Manila ang gu-magawa ng katarantaduhan gaya ng “buntis”.

Ang ‘buntis’, parekoy ay ang pagpapare-histro halimbawa ng isang bus pero ang plaka nito ay kokopyahin at ikakabit sa maraming bus.

Ibig sabihin, tipid na sila sa registration fee at renewal.

Dagdag pa rito ay ang hindi siyempre pagde-deklara ng tamang kita ng kumpanya kaya tipid na naman sa pagbabayad ng buwis!

Hindi mo nga naman mapupuna ang sistemang buntis nitong mga bus operator kung walang tagging.

Lalo na at maraming terminal na pinaparadahan ang mga ito.

Pero sa pamamagitan ng bus tagging ay madaling matukoy sa pamamagitan ng mga electronic gadgets ng MMDA kung may mga bus na magkakapareho ang plaka.

At dito na matatapos ang maliligayang araw nitong mapanlinlang na bus operators!

Kaya nga umaalma sila.

Ang hindi inisip ng mga ito na sa kanilang pag-alma ay lalong napapatunayan na may kalokohan nga silang ginagawa!

Dahil kung malinis ang kanilang intensiyon, o kaya wala silang iniisip na hokus-pokus, bakit naman sila aalma?

Ibig kong sabihin, parekoy, kung malinis ang iyong bus company, eh, ano kung iimprenta ang plate number ng iyong bus sa buong katawan nito at sa bubungan?

Mabuti nga ‘yan upang mag-ingat na rin ang mga driver sa pagmamaneho dahil hindi nila madaling itago ang pagkakakilanlan ng minamaneho nilang bus!

‘Yan, parekoy, ay kung walang malisya o katarantaduhan na iniisip ang may-ari o kum-panya ng bus!

Peryud!

HINDI ALINTANA NG gambling lord na si Aging Lisan ang reklamo ng mga taga-Olongapo hinggil sa kanyang malawakang operasyon ng iligal na sugal o Jueteng sa nasabing lungsod.

Ayon sa tawiwit, nagmamalaki pa nga raw ang gambling lord na ito.

Ano raw ba ang dapat niyang ikabahala?

Dahil habang si Mayor James “Bong” Gordon ang alkalde sa Olongapo ay pader sa tatag ang kanyang iligal na sugal!

Ganu’n ba? Bakit Mayor James Bong Gordon, may katotohanan ba ang mga balita na malakas pagkakitaan ang Jueteng ni Aging d’yan sa O-longapo?

Aba, eh, magkano naman ang pakinabang mo?Sa himig kasi ng salitang ito ni Aging ay lumalabas na para bang ikaw ang “protector” niya! Hindi ba?

MAPAKIKINGGAN ANG AKING programang “ALARMA Kinse Trenta” sa DZME 1530 kHz, 6:00-7:00 am, Lunes-Biyernes. Mapapanood din ito via “live stream” sa www.dzme1530.com. Para sa anumang reklamo/reaction, e-mail: [email protected]; call or text 09321688734.

Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303

Previous articleAndi Eigenmann, handang palakihin ang anak nang nag-iisa!
Next articleMga paos na tinig

No posts to display