INANUNSIYO NI PNP Chief General Nicanor Bartolome kamakailan ang planong pag-recruit ng 50,000 na mga bagong aplikante para maging miyembro ng PNP. Ayon kay Bartolome, ang bilang na ito ay makatutulong sa kinakapos na puwersa ng PNP sa pagsugpo sa lumalaganap na kriminalidad lalo na sa Kamaynilaan.
Pabor ako na madagdagan ang puwersa ng ating kapulisan pero dapat magkaroon ng mahigpit na screening process para sa mga bagong recruit na ito. Dahil kung hindi, posibleng lalong tataas ang index crime sa Kamaynilaan – ang crime against persons tulad ng “hulidap”, physical injury, atbp.
Sa mga reklamo na natatanggap ng WANTED SA RADYO (WSR) araw-araw laban sa mga pulis na abusado, nobenta porsiyento sa mga ito ay may ranggong PO1. At halos lahat sa kanila ay kalalabas lamang ng kanilang training camp at sumasailalim sa OJT – on the job training.
Ang pangkaraniwang mga sumbong laban sa mga bagitong pulis na ito ay panunutok at pagpapaputok ng baril, pambubugbog at pangongotong. Ang makapagpapatunay rito ay ang mismong hepe ng Isumbong Mo Kay Chief PNP – isang departamento sa tanggapan ng PNP Chief na nag-iimbestiga sa mga pang-aabuso ng kapulisan. Ito ay si Col. Jose Molave Dueñas, isang very competent at highly effective na opisyal ng PNP pagdating sa pag-aaksyon sa mga sumbong laban sa kapulisan.
Si Col. Dueñas ang madalas na takbuhan ng WSR para sa mga reklamong natatangap ng programa mula sa mga mamamayan na biktima ng lahat ng uri ng pang-aagrabiyado at pang-aapi ng mga miyembro ng PNP.
ISANG UNIT SA PNP na dapat ng sibakin ay ang Station Anti-Illegal Drugs (SAID). Ito ang grupo sa bawat police station na walang ginawa kung hindi ang mang “hulidap” gamit ang modus operandi na buy-bust operation.
Sa grupong ito naimbento ang salitang kantong “palit-ulo” – ang paghuli sa mga pusher na pakakawalan din ma-tapos pagkuwartahan at makapagturo ng kapwa nila pusher na huhulihin ng grupo.
Maging ang mga taong hindi pasok sa droga ngunit may kapasidad na sumuka ng pera at alam nilang walang kapabilidad na lumaban ay kanilang hinuhulidap din.
May mga pagkakataon din na nakahuhuli ang grupong ito ng totoong pusher na may kasama pang ebidensiya at talagang tinutuluyan nila kahit pa nahingan na nila ng pera. Pero ang ikakaso nila rito ay Section 11 (possession) na isang bailable offense sa halip na Section 5 (trafficking) na non-bailable.
At pagdating sa mga court hearings, hindi sila sisipot kaya mapipilitan ang korte na i-dismiss ang kaso. Ang masaklap, ang huli nilang ito ay gagamitin nilang testimonya na sila ay talagang nagtatrabaho.
Mas pabor ako na paigtingin na lang ang PNP Anti-Illegal Drugs Special Task Force (AIDSOTF) at magpakalat na lang ng field office ang grupong ito sa bawat presinto.
Bukod kasi sa SAID, mayroon ding DAID (District Anti-Illegal Drugs) at RAID (Regional Anti-Illegal Drugs) na pawang duplication na lang ng mga trabaho. Kapag pinaigting ang AIDSOTF, hindi na magiging magulo at isang centralized na anti-illegal drugs na lamang mayroon ang PNP. Ito ang magiging counterpart ng PDEA (Philippine Drug Enforcement Agency) na isang national law enforcement group sa PNP. Mas magiging well-organized at well-coordinated na ang mga magiging operasyon ng PNP versus anti-illegal drugs.
Shooting Range
Raffy Tulfo