NAPAPANAHON NA para buwagin ang PNP-SAID (Station Anti-Illegal Drugs). Minsan ko na itong iminungkahi kay PNP Chief Gen. Nicanor Bartolome. Bagama’t hindi naman lahat, pero karamihan sa miyembro ng SAID ay hulidap ang tanging mga lakad.
Kung numero ang pag-uusapan, base sa aking karanasan, lumampas na sa numero ng kalendaryo ang bilang ng mga reklamong aking natanggap laban sa mga miyembro ng SAID na nanghulidap.
Ilan pa nga sa mga hulidaper na ito ay sagad sa pagkabalasubas dahil kapag hindi sila nakuntento sa perang kani-lang nakulimbat sa biktima, tinutuluyan pa rin nila ito. Sa ilang pagkakataon pa nga, minomolestya pa nila ang kanilang babaeng biktima.
SA KASALUKUYAN, ang mga grupo sa PNP na napapabilang sa anti-illegal drugs ay ang Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Force, Regional Anti-Illegal Drugs, District Anti-Illegal Drugs, at ang SAID. Hindi pa kasama rito ang PDEA na isang separate branch.
Ang malaking tanong ngayon, bakit sa dinami-dami ng grupo na nakatuon sa anti-illegal drugs ay mas lalo pang lumalala ang problema ng droga sa ating bansa? Isa sa mga sagot dito ay sapagkat may mga grupo sa anti-illegal drugs – tulad na lang ng SAID – na ginagawang raket ang panghuhuli ng mga pusher at nire-recycle lamang ang kanilang mga nasasamsam na droga.
Ang matindi pa rito, kinailangan ng ilang mga pusher na makapagbenta ng mas marami pang droga para mahabol ang quota na ipinataw sa kanila ng kanilang mga padrino sa anti-illegal drugs.
Pero ang pinakamasaklap sa lahat, ilan sa mga miyembro sa anti-illegal drugs ay mismong mga adik din.
ISANG MALIWANAG na ehemplo ng hulidap ay ang nangyari sa pamilyang Umbao ng San Miguel St., Payatas, Quezon City. Ang tirahan ng mga Umbao ay sakop ng Station 6 ng QCPD.
Noong July 11, bandang 10:45 ng gabi, pinasok ang bahay ng mga Umbao ng limang armadong kalalakihan. Matapos halughugin ng grupo ang kasuluksulukan ng bahay, pinosasan at kinaladkad nila ang mag-asawang Jesus at Rosemarie Umbao.
Pagkaraang ikot-ikutin ng grupo ang mag-asawa lulan ng isang sasakyan, nagpasiya sila na pakawalan si Rosemarie. Ito ay pagkatapos na mangiyak-ngiyak sa pagmamakaawa ni Rosemarie. Pero diniretso nila si Jesus sa Station 4 at ikinulong. Doon pa lang nalaman na mga pulis pala ng Station 4 ng SAID ang nang-raid sa bahay ng mga Umbao.
Kinabukasan, pumunta ang isang kapit-bahay ng mga Umbao sa police station para kausapin ang mga pulis ngunit sinabihan ito na kailangang si Rosemarie ang makipag-usap sa kanila.
ANG MGA mahahalagang tanong ngayon, una, bakit walang ginawang coordination ang nasabing grupo sa PDEA para sa nasabing raid? Ito’y isang SOP para sa anumang anti-drug o-peration na dapat gagawin ng anumang unit ng PNP.
Pangalawa, bakit wala ring ginawang coordination ang grupo sa Station 6 na siyang nakasasakop sa tirahan ng mga Umbao? Ang tawag sa ginawa ng mga taga-Station 4 sa police lingo ay “tawid teritoryo”. Ito’y hindi lamang iligal kundi pambabastos na rin sa mga pulis na nakasasakop sa teritor-yong pinasok nila.
Pangatlo, bakit hindi ipinaalam ng grupo sa mother unit nila – ang District Command – ang tungkol sa gagawin nilang raid na isa pa ring SOP?
Pang-apat, bakit hindi sila kumuha ng search warrant mula sa korte? At panglima, bakit hindi nila pina-inquest ang suspek kinabukasan? Tatlong araw matapos ikulong ng SAID Station 4 si Jesus, hindi pa rin ito nai-inquest. Sa araw ring iyon lumapit si Rosemarie sa WANTED SA RADYO.
Shooting Range
Raffy Tulfo